Music video na gawa ng mga Pilipino at kinunan sa Manila North Cemetery, wagi sa LA Film Awards 2019




Larawan mula sa Instagram account ni Kevin Hindriks
  • Wagi ang isang music video na nilikha ng all-Filipino production team sa LA Film Fest
  • Kinunan din ang mga eksena ng music video sa Manila North Cemetery
  • Ipalalabas din ang video sa United Kingdom (UK) Film Festival 

Kilala ang mga Pilipino bilang mahuhusay na mang-aawit. Maraming Filipino singer ang nagkamit ng parangal abroad at may ilang performers na rin ang gumawa ng pangalan sa international scene katulad nina Lea Salonga, Charice, Arnel Pineda, at Rachel Ann Go.

Ngunit ngayon, kinikilala na rin ang husay ng mga Pilipino sa paggawa ng music videos. Sa katunayan, ang isang music video na gawa ng all-Filipino production team ang nanalo sa isang international video ang film competition.

Larawan mula sa Instagram account ni Kevin Hindriks

Itinanghal na best music video sa Los Angeles Film Awards 2019 ang MV ng kantang Together Now ng Swedish singers na sina Arc North, Polarbearz, at Camilla Neideman. Gawa ang video ng production team na binubuo ng mga Pilipino sa pangunguna ng direktor mula sa Makati City na si Kevin Hindriks.

Kabilang din sa mahuhusay na all-Filipino production team ang producer na si Allan Semana, costume designer na si Dimple Lim, visual effects nina Nicco Anacleto, photography director Jordan Arabejo, camera operator Bruce Sakaki, at stills operator na si Jon Olarte.

Pati ang mga artista sa best music video ng LA Film Fest ay mga Pilipino sa pangunguna nina Gaby Padilla at ang magkapatid na Miguel at Lucas Floyd Hernandez. Kinuhanan din ang buong music video sa Manila North Cemetery na binihisan ng production team bilang isang bagong mundo.

Umiikot ang kuwento sa dalawang taong nagmamahalan na parang nasa kakaibang mundo o tribo na may suot na kakaibang damit at mga pinta sa katawan. Gagawa ng paraan ang dalawang nagmamahalan upang maituloy ang pagmamahalan nila kahit nakatakdang ikasal ang babae sa ibang lalaki.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Sa kanyang Facebook account, masayang ibinahagi ng direktor ng music video na si Hindriks ang pagkakapanalo ng kanyang obra sa LA Film Fest. Kalakip ng kanyang post ay ang ilang larawan mula sa music video.

Ipalalabas din sa United Kingdom (UK) Film Festival ang music video na gawa ni Hindriks. Sa deskripsyon ng selections ng UK Film Fest, sinabi sa description ng video na Together Now na kinunan ito sa Manila North Cemetery.