MMDA, nais gawing holiday ng ilang paaralan ang araw ng SEA Games 2019; magkakaroon din ng road closures




Larawan mula sa PNA
  • Upang maibsan ang trapiko, may ilang plano ang MMDA sa darating na SEA Games
  • Ipinanukala nilang gawing holiday ng ilang school sa Metro Manila ang mga araw ng SEA Games
  • Nais din nila na isara ang ilang kalye at magkaroon ng no sale weekend sa ilang mall

Sa November 30 na ang opisyal na pagbubukas ng Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin sa bansa. Lubos na ang paghahanda ng pamahalaan kabilang ang pagsasaayos ng mga stadium at iba pang pagdarausan ng mga patimpalak sa SEA Games.

Ngunit maliban sa mga pasilidad, pinaghahandaan din ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko na daraanan ng mga delegado ng iba’t ibang bansa sa Timog Silangang Asya, lalo na’t hindi biro ang trapiko kapag papalapit na ang Pasko.

Larawan mula sa PNA

Isa sa mga nakikitang solusyon ng MMDA ay ang pagdedeklara ng holiday sa ilang paaralan, pagsasara ng mga daan upang eksklusibong madaanan ng mga kalahok sa SEA Games, at ang pagbabawal sa pagse-sale ng mga mall.

Sa isang panayam, sinabi ni MMDA Spokesperson Celine Pialago na nagsumite na sila ng rekomendasyon sa Malacañang para sa mga plano nila sa SEA Games na kinakailangan pang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang sa plano ng MMDA ay ang pagsasara ng kahabaan ng Adriatico at P. Ocampo Street na papunta sa Rizal Memorial Stadium na pagdarausan ng ilang event sa SEA Games. Nais din ng MMDA na magkaroon ng class holiday ang ilang paaralan sa Metro Manila mula Disyembre 2 hanggang 6 upang makabawas sa trapiko.

Nauna nang nagsuspinde ng klase at pasok sa opisina ang De La Salle University (DLSU) mula Disyembre 2 hanggang 7 upang magbigay daan sa gagawing SEA Games sa bansa.

Larawan mula sa PNA

Bagama’t mayroong umiiral na no weekday sale sa mga mall sa buong Metro Manila, nais daw ng MMDA na makipagdayologo sa mga may-ari ng mall dahil nakatakdang gawin ang opening ceremonies ng SEA Games sa araw ng Sabado, Nobyembre 30.

Nauna na ring nagbabala ang MMDA sa mga lugar na dapat iwasang daanan sa panahon ng SEA Games upang hindi na maipit o makadagdag pa sa trapiko. Inaasahan ng MMDA na maaaprubahan ang kanilang plano lalo’t ilang linggo na lang at mag-uumpisa na ang SEA Games.