Militanteng grupo, nag-vandal sa mga bagong linis at pintang underpass sa Maynila; grupo sinabing “art protest” nila iyon




Larawan mula sa Facebook page ng MTCAB
  • Viral sa Facebook ang post ng MTCAB tungkol sa bandalismong gawa ng ilang grupo
  • Ayon sa Panday Sining, bahagi raw ito ng kanilang GraFiesta at hindi bandalismo
  • Hindi naman natuwa ang mga netizens sa pagpinta nila sa mga bagong linis na underpass sa Maynila

Kahapon lamang ay uminit ang ulo ni Manila Mayor Isko Moreno dahil sa mga kalat na iniwan ng mga nagtitinda sa kahabaan ng Binondo. Galit na ininspeksiyon at sinabihan ni Moreno ang mga tinderong naabutan sa lugar.

At ngayong araw naman, panibagong akto ng kawalan ng disiplina ang nagpapainit sa ulo ng alkalde. Trending kasi sa Facebook ngayon ang mga larawang ibinahagi ng Manila Tourism and Cultural Affairs Bureau (MTCAB) kung saan makikitang mayroong vandal ang mga bagong linis at bagong pintang underpass sa Maynila.

Larawan mula sa Facebook page ng MTCAB

Ayon sa post, lubos daw na nalulungkot ang MTCAB dahil sa ginawa ng mga militanteng grupo. Nagbuhos daw sila ng pagod at oras upang maiayos at mapaganda ang Maynila ngunit mayroong mga ganitong gawi na sisira sa kanilang mga magagandang proyekto.

“Ang Manila Tourism and Cultural Affairs Bureau ay nalulungkot sa pangyayaring ito. Ang lahat ng ito ay pinaghirapan na isaayos at pagandahin sa pagtutulungan ng bawat indibidwal na maibalik ang ganda at sigla ng Maynila. Hindi bandalismo ang sagot sa pagbabago. Disiplina at Pag-unawa ang ating kailangan tungo sa mas maunlad na Maynila,” saad ng MTCAB sa kanilang post.

Ayon naman sa ulat ng GMA News, nagpaliwanag daw ang grupong Anakbayan na ang nasa likod ng vandal sa underpass ay ang Panday Sining. Ayon sa Anakbayan, bahagi raw ito ng tinatawag na “art protest” ng nasabing grupo.

Sa isang panayam din, sinabi naman ng Panday Sining na ang tawag nila sa mga mensaheng iniligay nila sa mga pader ng underpass sa Maynila ay “GraFiesta.” Bahagi raw ito ng kanilang pagpapahayag ng sentimyento laban sa pamahalaan at hindi isang uri ng bandalismo.

Larawan mula sa Facebook page ng MTCAB

Umani naman ng iba’t ibang reaksiyon ang ginawang ito ng grupong Panday Sining. Mas maraming angry reaction ang nakuha ng post ng MTCAB bilang pagpapahayag na rin ng pagtutol nila sa ginawa ng grupo. Ayon sa mga netizens, dahil daw sa kawalan ng disiplina kaya maraming paghihigpit na ginagawa ang pamunuan ng Maynila.

Hindi rin daw tinatanggap ng ilang netizens na “sining” ang mga pintang inilagay ng grupo sa mga pader. Lalo lamang daw itong nakadagdag sa suliranin ng Maynila at nakapinsala sa kaayusan ng mga lugar sa nasabing lungsod.