Mga ambag at tagumpay: Pagpupugay sa buhay ni John Gokongwei, Jr.




Public Domain Image
  • Si John Gokongwei Jr. ay isa sa mga tinitingalang negosyante at pilantropo sa bansa
  • Siya ang may–ari at tagapagtaguyod ng mga kompanyang “Universal Robina Corporation”, “Cebu Pacific Air”, “JG Summit Holdings”, “Robinsons Land”, at “Digital Telecommunications Philippines”
  • Marami ang nalungkot sa kaniyang pagkawala sa gulang na 93

Isa sa matatagumpay na negosyante at pilantropong Filipino–Chinese ang yumaong si John Gokongwei, Jr. sa gulang na 93 taong gulang nitong Nobyembre 9, 2019. Marami ang nabigla sa kaniyang pagkawala, subalit mas marami ang nagbigay ng testimonya kung ano ang kaniyang mga iniwang ambag sa lipunan, at marami ang nagsalaysay sa kuwento ng kaniyang tagumpay.

“From rugs to riches” ang kuwento ni Gokongwei, Jr. na maagang naulila sa kaniyang ama. Sa gulang na 13 ay itinaguyod na niya ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda at paglalako ng kung ano–anong mga bagay sa mga kalsada ng Cebu gamit lamang ang bisikleta. Sa gulang naman na 17 hanggang 19, tinatawid na niya ang dagat sa pamamagitan ng kahoy na bangka upang magtinda mula Cebu patungong Maynila.

Kilala si Gokongwei bilang may–ari at tagapagtaguyod ng mga kompanyang “Universal Robina Corporation”, “Cebu Pacific Air”, “JG Summit Holdings, Inc.”, “Robinsons Land”, at “Digital Telecommunications Philippines”. Siya ang naging dahilan ng pagsikat ng Sun Cellular na nagpauso ng unlimited texts at calls. Siya rin ang nagmamay–ari ng mga Robinsons malls sa Pilipinas.

Public Domain Image

Noong 2006, ipinagkaloob niya ang 20 bilyong piso o katumbas ng kalahati ng kaniyang shares sa JG Summit Holdings, Inc. bilang donasyon sa kanilang family foundation. Ito ang pinakamalaking donasyon ng isang negosyanteng pilantropo sa isang foundation sa kasaysayan.

Ayon sa panganay na anak nitong si Lance Gokongwei, bagama’t napakayaman ng kanilang pamilya ay napakasimple lamang ng pamumuhay nito. Sumasakay ito sa economy class ng kanilang sariling airline na Cebu Pacific at hindi sa business class, maliban na lamang noong nagkaedad na ito.

Noong bata pa raw sila, maliit lamang ang allowance na ibinibigay sa kanila upang matuto silang magtipid, maliban sa pagbili ng mga aklat. Pinapayagan daw sila ng kanilang ama na bilhin ang lahat ng aklat na maibigan nila.

Narito ang ilan sa magagandang mensahe ng netizens para kay Gokongwei:

“RIP sir your success story as a business man will always linger in my mind forever. Thank you for your contribution to our economy.”

“You are a beautiful inspiration to the Filipino people especially for the Youth of Today. Your legacy will last forever…”

“Thank you for the inspiration and to your contributions to the Filipino people & our beloved country the Philippines.”

Laging kabilang si Gokongwei sa listahan ng sampung pinakamayayamang negosyanteng Pilipino sa Pilipinas, at maging sa Asya. Naniniwala siyang “the business is not there to serve the family. The family is there to serve the business. I serve the people the business serves–our clients. I serve the people who work in the business–our employees”. Iyan ang ipinaunawa niya kay Lance at sa iba pa niyang mga anak.

Public Domain Image

Rest in Peace, G. John Gokongwei, Jr. Mananatili kang inspirasyon sa aming lahat!