Memories, memories: Ipinagpalit mo rin ba ang iyong bote sa sitsirya noon?




Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila/Public Domain Image
  • Nagbalik–tanaw ang netizens sa isang nostalgic na larawan
  • Ipinakikita nito ang pagpapapalit ng bote para sa sitsirya na karaniwang ginagawa at pinakaaabangan ng mga bata noon
  • Inilalagay ang sitsirya sa lumang pahina ng phone directory o kaya’y sa lumang pahayagan

Sadyang makulay ang karanasan ng kabataan noon; mga panahong hindi pa uso ang mga online games at hindi pa masyadong mataas ang antas ng teknolohiya. Maraming mga laro at iba pang pinagkakaabalahan ng kabataan noon ang hindi na makikita sa kasalukuyan — gaya na lamang ng paghahanap ng mga kalat na bote at pagpapapalit nito sa sitsirya sa isang magbobote na nagtutulak ng kariton sa kalsada.

Isang netizen na nagngangalang “Jaboogs Tiglao” ang nagbahagi ng larawan nito sa Facebook page na “Memories of Old Manila”. Ayon sa kaniyang Facebook post, noong kaniyang kabataan, hinihintay daw nilang dumaan si “Manong Potpot” tuwing hapon kung saan ipinapapalit nila sa sitsirya ang boteng napupulot nila.

“Panahong walang magawa kapag hapon. Ito ang hinihintay kong dumaan: si Manong Potpot. Bote palit sa sitsirya”.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Nagbigay naman ng komento rito ang mga netizens na naka–relate sa naturang larawan.

“Bakit wala na akong mahanap na cheese curls na iyan? Nakarating na ko sa ibang bansa, wala pa rin akong nakaing ganyan kalasa.”

“Yes inabot ko pa iyan… nagpapalit kami ng bote para makakain lang niyan… nakatulong ka na sa kalikasan, nakakain ka pa ng sitsirya.”

“Para makakain ka niyan, kailangang ipagpalit ang bote kay Manong Potpot: ilalagay niya sa newspaper na ginawang parang torotot or ginawang parang apa.”

“Inabot ko iyan noong bata pa ako, kapag naiisip ko, parang bumabalik ako noong panahong iyon. Nakakamiss lang. Sana bumalik ang ganiyan, tingnan natin kung makatutulong para mabawasan ang basura sa paligid.”

“Tayong mga batang kalye noong 80’s ang nakakaalam niyan. Hahaha. Super nostalgic.”

Public Domain Image

Sa kasalukuyan, wala nang nakikitang ganito sa mga lansangan. Kung sakaling bumalik ito, tiyak na makatutulong ito sa paglilinis ng mga lansangan sa Maynila. Mga simpleng paraan na maaaring makatulong sa kalikasan.

Source :

Facebook