Mayor Isko, nais i-donate ang P4.5M talent fee sa Unibersidad de Manila




Imahe mula sa Isko Moreno Domagoso | Facebook page Imahe mula sa Official: Universidad de Manila | Facebook page
  • Nais ibigay ni Mayor Isko Moreno ang P4.5 milyong halaga ng kaniyang talent fee bilang donasyon sa Unibersidad de Manila
  • Ayon sa alkalde, gusto niyang magamit ito ng paaralan para mapaunlad ang kanilang pasilidad
  • Sinabi rin nito na tatlong kompanya ang kumuha sa kaniya bilang brand ambassador kaya naman nais niyang magamit ang kaniyang kita para sa ikabubuti ng unibersidad
Imahe mula sa Isko Moreno Domagoso | Facebook page

Nais ibahagi ng Manila City Mayor Isko Moreno ang kaniyang talent fee mula sa pagmo-model upang matulungan ang paaralan na pinamumunuan ng lungsod.

Sa nakaraang niyang livestream sa Facebook noong November 22, sinabi ni Mayor Isko na ibibigay niya ang halos P4.5 milyong halaga ng kaniyang talent fee mula sa kaniyang mga endorsement para sa ikauunlad ng Unibesidad de Manila (UdM).

Gusto ng alkalde na magamit ang kaniyang donasyon para mapabuti ang pasilidad ng paaralan at makabili ito ng mga makabagong kagamitan para sa computer laboratory na kapareho ng mayroon sa mga pribadong paaralan.

“Kung ano itsura ng private school, ‘yung mga computer lab,’yun din dapat makuha ng mga public school students,” ani Moreno.

Sinabi rin ng alkalde na hindi bababa sa tatlong kompanya ang kumuha sa kaniya bilang brand ambassador kaya naman nais niya na magamit ang kaniyang kita rito para sa ikabubuti ng unibersidad.

Matatandaan na una nang nagdonate ng halagang P1 milyon si Moreno sa Philippine General Hospital (PGH) mula sa kaniyang endorsement at talent fee sa Jag Jeans.

Imahe mula sa Official: Universidad de Manila | Facebook page

Nagpaabot din ito ng tulong sa mga naapektuhan ng pagyanig sa Cotabato ang alkalde.  Nagkakahalaga ng P5 milyon donasyon ang ibinigay nitong tulong mula sa kaniyang talent fee.