Matandang tinderong nakatulog sa pagtitinda dahil sa pagod, hinangaan ng marami




Larawan mula sa Facebook account ni Ace Tagupa at Pexels
  • Trending sa Facebook ang larawan ng isang matandang tindero na nakatulog na sa pagtitinda
  • Ayon sa uploader, disoras na raw iyon ng gabi nang makita niya ang tila pagod nang matanda
  • Maraming netizens naman ang naantig sa larawan at humanga sa kasipagan ni Tatay

Marami sa ating mga kababayan ang naging kabuhayan na ang pagtitinda. Ang iba ay hirap na makahanap ng trabaho kaya naman mas pinili nila ang magkaroon ng sariling negosyo kahit maliit lang. Dahil maliit lang ang puhunan, halos lahat ng trabaho ay pasan ng isang tindero kaya naman doble ang pagod nila.

Ganito marahil ang pinagdaraanan ng isang matandang tinderong nakuhanan ng larawan ng isang netizen. Dahil sa pagod, kahit hindi pa ubos ang paninda ay minarapat na niyang magpahinga dahil malalim na rin ang gabi.

Larawan mula sa Facebook account ni Ace Tagupa

Ibinahagi ni Ace Tagupa sa kanyang Facebook post ang larawan ng isang matandang nakatulog na habang nakaupo. Tindero ang matanda ng pritong  manok sa tabi ng kalsada. Ayon kay Tagupa, nakuha niya raw ang larawan ng matanda sa disoras ng gabi at wala nang masyadong tao sa lansangan.

“Kung minsan iniisip mong nahihirapan ka na sa buhay isipin mo na lang ano pa kaya ang isang kagaya ni tatay? Disoras na halos ng gabi at wala nang tao sa kalsada pero siya umaasa pa din na maubos ang paninda niya,” sabi ni Tagupa sa kanyang post.

“Sobrang saludo ako sa yo tatay! Sana’y magsilbi kang inspirasyon sa lahat,” pagpapatuloy ni Tagupa sa kanyang post bilang paghanga sa matandang lubos ang kasipagan.

Hindi naman nabigo si Tagupa dahil nagsilbing inspirasyon nga ang matandang tindero sa mga netizens. Umabot na ng 91,000 reactions, 10,000 comments, at 77,000 shares ang post niya tungkol sa masipag na matanda.

Maraming netizens ang naantig sa kuwento ng matanda. May mga magulang na nagkomento at nagbibigay ng pangaral sa mga anak. Ayon sa kanila, nararapat daw na magsilbing motibasyon ang sipag ng kanilang mga magulang upang maging matagumpay at mag-aral nang mabuti.

Larawan mula sa Pexels

“Kakahabag naman iyan, kaya yung mga anak diyan na walang inatupag kundi maging kunsumisyon ng magulang… maawa kayo sa magulang n’yo, nakakaiyak makakita ng ganyan,” pahayag ng isang netizen.

Nagpaabot naman ng paghanga ang maraming netizens sa pagmamahal ni tatay sa kanyang pamilya at gagawin ang lahat upang kumita lamang ng pera at may pangtustos sa pangangailangan nila.

“Saludo po ako sa inyo tatay. At sa mga ama na walang inisip kundi ang kanilang pamilya. God bless po sa mga ama na walang sawa na magbigay ng suporta sa pamilya,” ayon sa isang netizen na humahanga sa tindero.