Mariah Carey, itinanghal na best-selling female artist of all time ng Billboard




Larawan mula sa Instagram account ni Mariah Carey
  • Si Mariah Carey ang itinanghal na best-selling female artist of all time ng Billboard
  • Isa raw sa mga dahilan ay ang timeless Christmas song niya na “All I Want for Christmas is You” na 25 anyos na
  • Nagpasalamat naman si Mariah sa malaking karangalang natanggap

Kung maraming napapasayaw at napapakanta ng “All I Want For Christmas is You” ng American singer na si Mariah Carey, ngayong magpapasko, siya naman ang napasaya ng Billboard dahil sa bagong karangalang nakuha niya.

Si Mariah lang naman kasi ang tinaguriang best-selling female artist ng Billboard sa inilabas nilang ranking sa kanilang magazine. Nasa ikaapat na puwesto si Mariah sa listahan, at pinakamataas na spot na nakuha ng isang babaeng mang-aawit.

Larawan mula sa Instagram account ni Mariah Carey

Ayon sa Billboard, nagawa nila ang listahan ng Top 125 artists all of all time sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga charts nila tulad ng Billboard Hot 100 songs at Billboard 200 albums chart. Nasa unang puwesto ang The Beatles, sinundan ng The Rolling Stones, Elton John, at pang-apat si Mariah.

Kabilang din sa top 10 sina Madonna, Barbara Streisand, Michael Jackson, Taylor Swift, Stevie Wonder, at Chicago. Ayon sa Billboard, maliban sa mga timeless songs ni Mariah, malaking bagay ang taon-taong pagpasok sa Billboard charts ng kanyang Christmas song na “All I Want for Christmas is You.”

Dagdag pa ng Billboard, ang kantang pamasko na ito ni Mariah ay isa sa mga pinakamalaking kanta sa kasaysayan at isa rin sa mga may pinakamalaking kita. Ngayong taon nga ay ika-25 taon na ng “All I Want for Christmas is You” ngunit isa pa rin ito sa most played at best-selling Christmas song sa buong mundo.

Gumawa rin ng record ang “All I Want for Christmas is You” bilang isa sa mga Christmas songs na pumasok sa Top 5 ng Billboard Hot 100 sa loob ng 60 taon. Mayroon na ring 16 million copies na naibenta ang Christmas album na ito ni Mariah.

Larawan mula sa Instagram account ni Mariah Carey

Sa pamamagitan naman ng kanyang Instagram account, nagpasalamat si Mariah sa karangalang nakuha. Makabuluhan daw ang kanyang nakuhang parangal at sa kanyang mga awitin. Ginawa ring profile picture ni Mariah ang larawan mula sa kanyang 25-year-old Christmas album.

“Happy Anniversary Billboard! This acknowledgement means so much to me. Thank you for recognizing me (and my little song babies) with this achievement,” pahayag ni Mariah.