Lea Salonga, may concert tour sa Australia; nag-guest din sa isang Australian morning show




Larawan mula sa The Morning Show Australia
  • Nasa Australia ngayon ang Pinoy Broadway Icon na si Lea Salonga
  • May serye siya ng concert sa iba’t ibang bahagi ng Australia
  • Naging guest din siya sa isang morning show kung saan naikuwento niya ang kanyang journey bilang aktres at Disney princess

Matapos ang kanyang stint bilang judge at coach sa The Voice of the Philippines Kids, sa ibang bansa naman magpapamalas ng husay ang Broadway Superstar na si Lea Salonga. Nasa Australia na si Salonga upang isagawa ang kanyang serye ng concert sa iba’t ibang bahagi ng Australia.

Nakatakdang magtanghal ang Tony at Olivier Awardee na si Salonga sa Sydney Opera House kasama ang kapatid na si Gerard Salonga bilang musical director. Tatlong shows ang gagawin ni Salonga sa nasabing venue—isa sa Biyernes, at dalawa sa Nobyembre 16, kung saan sold out na ang isa sa tatlong schedules niya.

Larawan mula sa The Morning Show Australia

Matapos ang show sa Sydney, dadako naman si Salonga sa Melbourne kung saan naroroon ang Palais Theatre para sa isang back-to-back na gabi ng konsiyerto. Makakasama niya sa mga nasabing pagtatanghal ang Sydney Symphony Orchestra at Philharmonia Australia.

Bilang bahagi ng pagpo-promote ni Salonga ng kanyang concert tour, nag-guest siya sa Australian talk show na The Morning Show.  Dito ay isinalaysay ni Salonga ang kanyang naging karanasan bilang Disney princess nang dalawang beses at ang kanyang journey bilang isang Broadway Diva.

Nang tanungin ng host si Salonga sa kanyang karanasan sa West End bilang lead character ng musical na Miss Saigon, dito sinabi niya na noong mga panahon na iyon ay hindi pa talaga siya desidido na maging theatre actress. Napagtanto na lamang daw niya na dapat niyang gamitin ang kanyang talento sa pag-awit at pag-arte nang minsang magsimba kasama ang ina at isermon ng pari na gamitin ang talentong ibinigay ng Diyos.

“Went to church one day with my mom and that was that! We heard the priest tell us that we need to use the gifts that God gave you…” sagot ni Salonga sa tanong ng host.

Larawan mula sa The Morning Show Australia

Sunod namang natalakay ang tagumpay niya bilang aktres at boses sa likod ng mga iconic Disney princesses na sina Princess Jasmine ng Aladdin at Mulan. Tinanong siya kung nakita niya bang magiging matagumpay ang mga nasabing proyektong nilahukan ng Pinay singer.

Ayon kay Salonga, hindi raw siya umaasa ng anumang tagumpay sa mga role na sinasalihan niya dahil sa mga ganitong pelikula raw ay madalas suwertihan lamang kung magugustuhan ng mga manonood. Proud rin daw si Salonga na ang dalawang iconic roles niya ay mayroon nang bagong bersiyon para daw malaman din ng bagong henerasyon.