Lalaking walang mga kamay, lubos na nalungkot sa pagkawala ng kaibigang tagapagtanggol sa mga nangungutya sa kanya




Larawan mula sa Facebook post ni Jenny Rose Prudente at Pexels
  • Ibinahagi ng isang netizen ang kuwento ng isang lalaking may kapansanan na labis na nalungkot sa pagkawala ng kaibigan
  • Ang kaibigan raw ang naghahatid sa kanya sa lugar na pinagtitindahan niya at nagtatanggol sa kanya sa mga nang-aasar
  • Maraming netizensnaman ang naantig sa kuwento ng magkaibigan

Sabi nila, habang tumatanda tayo, napagtatanto nating hindi na mahalaga na marami kang kaibigan. Kahit isa o dalawa na lang ang matatawag mong kaibigan, basta totoo at maaasahan ang mga ito ay masasabi mo nang buo ang iyong pagkatao.

Ito ang mensahe ng post ng isang netizen na si Jenny Rose Prudente tungkol sa isang lalaki na walang mga kamay at maiigsi ang paa at sa kanyang kaibigan. Nakita raw ni Prudente ang lalaking may kapansanan sa isang ospital kung saan dinala nito ang kaibigang kalaunan ay yumao rin.

Larawan mula sa Facebook post ni Jenny Rose Prudente

Kuwento ni Prudente, dinala niya lamang ang ina sa pagamutan nang makita ang lalaking walang kamay na sobrang malungkot dahil yumao na ang kasama niyang lalaki. Nakausap niya raw ang lalaki at dito na niya naluluhang ikinuwento ang kalunos-lunos na sinapit ng kanyang matalik na kaibigan.

Ang lalaki raw na binawian ng buhay ay isang kaibigan na lagi siyang hinahatid sa Gilmore kung saan siya nagtitinda ng kendi at kape. Sinasakay daw siya nito lagi sa kanyang tricycle. Noong araw daw na iyon, sakay ang lalaki sa tricyle ng kaibigan nang uminda ito ng paninikip ng dibdib.

Tumawag daw ng taxi ang lalaki upang dalhin ang kaibigan sa pagamutan. Ngunit sa kasamaang palad, hindi na nakaya pa ng mga doktor na maisalba ang kanyang kaibigan. Dahil dito, labis ang pagkalungkot ng lalaki sa pagkawala ng kaibigang tagapagtanggol din daw mula sa mga umaapi sa kanya.

Dahil sa kanyang kalagayan, aminado ang lalaki na nagiging tampulan siya ng tukso. Ngunit ang yumao niya raw na kaibigan ang laging nagtatanggol sa kanya sa tuwing may mang-aasar sa kanya. Ayon kay Prudente, bayani ang turing ng lalaking may kapansanan sa kanyang kaibigan.

Larawan mula sa Pexels

“Maawa naman kayo sa tao. Siya pa talaga pinagti-tripan n’yo,” ito raw ang madalas na sabihin ng kaibigan sa mga lumalait sa kanya. Wala rin umanong sariling pamilya ang yumaong kaibigan at wala rin daw siyang kilalang kaanak nito.

Maraming netizens naman ang naantig sa kuwento ng lalaki at kanyang kaibigan. Isang malaking patunay daw sila na wala sa antas ng pamumuhay ang pagiging isang mabuting tao. Mapalad raw ang dalawa na makakita ng tunay na kaibigan sa piling ng isa’t isa.