Lalaki nagbibigay ng bibingka at puto-bumbong sa mga naninirahan sa lansangan tuwing panahon ng Kapaskuhan




Larawan mula sa GMA News
  • Isang lalaki ang namimigay ng puto-bumbong at bibingka sa mga nakatira sa lansangan tuwing Kapaskuhan
  • Paraan niya raw ito upang maipadama sa kanila ang diwa ng Pasko
  • Marami ang sumusuporta sa proyektong ito na ilang taon na ring nagpapasaya ng kapuwa

Paborito ng marami sa atin ang kumain ng puto-bumbong at bibingka tuwing Pasko. Maraming nagtitinda ng mga kakanin na ito sa paligid ng mga simbahan dahil diretso ang maraming nagsisimbang gabi sa mga tindahang ito upang mag-food trip naman.

Pero para sa isang lalaki, mas malalim ang kahulugan ng puto-bumbong at bibingka. Hindi kasi siya ang nabubusog ng mga ito tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan, kung hindi ang mga kababayan niyang naninirahan sa lansangan.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng GMA News

Nakagawian na ni Reymond Magdato, isang development and regulatory manager sa isang pribadong kompanya sa Pasay, ang mamigay ng puto-bumbong at bibingka sa mga pamilyang naninirahan sa bangketa. Sa ganitong paraan daw ay naipadarama niya sa mga kapus-palad ang diwa ng Pasko.

Kasama ang kanyang team sa Genius Child Foundation, naghahanda sila ng mga pagkain, karaniwan ay ang mga sikat na kakanin kapag Pasko kasama ang pansit at spaghetti na paborito ng mga Pilipinong ihanda.

Ayon sa pahayag ni Magdato sa isang episode ng Front Row, nag-umpisa raw siya sa kanyang proyekto ng pagpapakain sa mga nasa lansangan nang minsan ay may manghinging batang lansangan sa kanya ng barya. Labis daw ang saya ng bata sa baryang natanggap. Naisipan niya raw na kung pagkain ang maibibigay niya sa mga bata ay mas matutuwa ito dahil mabubusog sila.

Dagdag pa ni Magdato, paraan niya rin ito ng pasasalamat sa Maykapal dahil sa mga biyayang natanggap at patuloy niyang natatanggap. Galing din kasi sa hikahos na pamilya si Magdato at nakapagtapos siya umano ng pag-aaral dahil sa mga tumulong at sa ilang scholarship. Batid niyang kung walang nagmalasakit sa kanilang pamilya ay hindi rin siya makapagtatapos ng pag-aaral.

Larawan mula sa GMA News

Dahil maraming naniniwala sa kanyang adbokasiya, may mga volunteers na rin ang kanyang kawanggawa. Marami na rin daw mga pribadong organisasyon ang nagbibigay ng ayuda sa kanyang mga proyekto dahil sa paniniwala sa magandang layunin ni Magdato.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang feeding program ni Magdato sa kanyang Genius Child Foundation kasama ng iba pang mga proyekto na nakatuon sa pagtulong sa mga nangangailangan. Marami naman ang nais tularan ang kabutihan ni Magdato at nais ding magbigay ng kasiyahan sa kanilang kapuwa.

Source :

YouTube, Facebook