Kisses Delavin umalis na sa ABS-CBN, lumipat sa manager nina Maine Mendoza at Marian Rivera




Larawan mula sa Triple A Management
  • Umalis na sa ABS-CBN ang PBB alumna na si Kisses Delavin
  • Magkakasama na sila ngayon nina Marian Rivera at Maine Mendoza sa isang management
  • Ipakikilala na rin daw si Delavin sa bosses ng GMA Network

May mga bagong kapatid sa talent agency sina Marian Rivera at Maine Mendoza sa pagdating ni Kisses Delavin na isang dating Star Magic talent at contract artist noon ng ABS-CBN. Ang talent agencies na All Access to Artists Inc., (Triple A) management at APT Entertainment ang bagong hahawak sa career ni Delavin.

Pumirma ng kontrata si Delavin sa Sequoia Hotel sa Quezon City kasama ang mga executives ng kanyang bagong management na sina Mike Tuviera at Rams David. Ayon sa mga balita ay mapapanood na si Delavin sa ilang APT produced show sa GMA Network tulad ng Eat Bulaga at Sunday PinaSaya.

Larawan mula sa Triple A Management

Gayunman, hindi pa maituturing na isang ganap na Kapuso na si Delavin dahil sa Triple A at APT pa lang naman siya may kontrata. Pero dahil maraming deal ang mga kompanya ni Michael Tuviera sa GMA, inaasahang sa Kapuso Network din siya gagawa ng shows.

Pero inilahad ni David na matapos ang contract signing ay ipakikilala niya si Delavin sa bosses ng GMA Network. Excited naman daw si Delavin na makilala ang mga Kapuso Stars na maaaring makatrabaho niya sa gagawing tatlong pelikula sa APT Entertainment.

Paliwanag ng dalaga, maayos naman daw siyang nagpaalam sa mga boss ng Kapamilya Network. Sa lahat daw ng mga boss na nakatrabaho niya sa ABS-CBN ay nagpaalam siya, puwera sa mga kapuwa artistang kaibigan niya. Hindi rin umano siya nagsabi sa katambal na si Donny Pangilinan.

Rason ni Delavin sa paglipat ng management, gusto raw niyang mag-explore ng maraming bagay, kabilang ang iba’t ibang uri ng proyektong ibibigay sa kanya ng Triple A. Isa rin umano sa mga naging rason ng paglipat niya ng management ang idolo at mabuting kaibigan na si Marian Rivera.

Larawan mula sa Instagram account ni Kisses Delavin

Nagkakilala raw sina Delavin at David sa pamamagitan ni Rivera at doon nag-umpisa ang pagkakatuklas niya na maganda ang paghawak nila sa career ng mga sikat na Kapuso stars katulad nina Mendoza, Rivera, Jerald Napoles, Baeby Baste, at That’s My Bae.

Unang napanood si Delavin sa ABS-CBN reality show na Pinoy Big Brother: Lucky 7 noong 2016 kung saan siya nanalo bilang Second Big Placer. Nakagawa rin siya ng ilang serye at pelikula nang nasa ABS-CBN pa.

Source :

PEP, Inquirer