Kaya pa! Dance group na Streetboys, humataw muli sa kasal ni Vhong Navarro




Larawan mula sa Instagram video ni Drew Arellano
  • Nag-reunion ang dance group na Streetboys sa kasal ng dating miyembro na si Vhong Navarro
  • Nakisama pa sa dance number ang asawa ni Vhong na si Tanya Winona Bautista
  • Maraming fans naman ng dance group ang natuwa dahil mahuhusay pa rin silang sumayaw

Hindi pa tapos ang pagpapasayang handog ni Vhong Navarro at ng longtime girlfriend na si Tanya Winona Bautista na misis na niya ngayon. Pagkatapos kasi ng kanilang romantic na kasal, nagmistulang isang musical variety show ang reception dahil sa pagtatanghal ng dance group na Streetboys.

Bago naging aktor at host si Vhong, miyembro siya ng grupong Streetboys. At bilang pagpapakita ng suporta sa kanilang dating kagrupo, nag-reunion ang ilan sa kanilang miyembro sa kasal ni Vhong. Inupload ng kaibigan ni Vhong na si Drew Arellano sa kanyang Instagram ang full video ng kanilang performance.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Drew Arellano

“Kayang-kaya pa ng mga idol ko, The Streetboys,” pahayag ni Drew sa kanyang viral Instagram video kung saan buong mapapanood ang performance ng dance group.

Lumipad papuntang Japan ang iba pang Streetboys members na sina Joseph de Leon, Danilo Barrios, Meynard Marcellano, Nikko Manalo, at Jhong Hilario para sa kasal ni Vhong. Sa reception ay may inihanda silang dance number para sa ibang dumalo sa kasal.

Halos 12 minuto ang naging performance ng Streetboys sa kasal ni Vhong. May halong comedy skits ang kanilang dance medley ng ilan sa kanilang pinausong sayaw kabilang ang Sunshine ni Twista, Gasolina ni Daddy Yankee, at On Ne S’Aimera Plus Jamais ni Larusso.

Lalong nagpasaya sa audience ang pagpasok sa entablado ni Tanya at ginawa ang isang musical comedy skit kasama ang asawang si Vhong. Ilang sandali pa ay nakisayaw na si Tanya kasama ang Streetboys sa saliw ng Overdrive ng Eraserheads.

Larawan mula sa Instagram video ni Drew Arellano

Maraming netizens naman ang naaliw sa nostalgic na performance ng grupo. Ayon sa mga netizen ay hindi pa rin kumukupas ang the moves ng bawat miyembro at napapapalakpak pa rin nila ang kanilang mga manonood kahit ilang taon na ang lumipas nang huling magsama-sama ang grupo.

“Walang kupas. Sila pa rin talaga ang paborito kong video. Magaling pa rin. Sana may isa pang dance number kahit sa Showtime!” sabi ng isang netizen na naligayahan sa reunion ng dance group.

Source :

Instagram, PEP