Jessica Soho, sumalang sa isang glam pictorial para sa ika-15 anibersaryo ng KMJS




Larawan mula sa KMJS Facebook page
  • Nagdiriwang ng ika-15 taong anibersaryo ang Kapuso Mo, Jessica Soho
  • Dahil dito, sumabak sa isang glam pictorial ang host nitong si Jessica Soho
  • Natuwa naman ang mga fans ng show sa tila ‘transformation’ ng journalist 

Hindi maikakailang ang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang isa sa pinakapinapanood na programa sa telebisyon ngayon. Hindi buo ang ating mga Linggo kung hindi mapapanood ang mga tampok na istorya na talaga namang trending saan mang panig ng bansa.

At ang award-winning na programa, nagdiriwang na ng ika-15 anibersaryo nila ngayong taon. Bilang bahagi ng selebrasyon, ang unang paandar ng KMJS ay ang isalang sa isang glam pictorial ang journalist na si Jessica Soho.

Larawan mula sa KMJS Facebook page

Ibinahagi ng Facebook page ng KMJS ang paghahanda at mismong pictorial ni Soho para sa opening billboard at plugs ng programa sa pagbubukas ng bagong taon nito. Kilala sa pagiging simple si Soho sa kabila ng tagumpay na tinatamasa. Madalas siyang makita sa kanyang mga panayam na payak lamang ang ayos at suot.

Kaya naman patok sa mga netizen na makita ang kanilang paboritong TV host at broadcaster na nakaayos at sumailalim sa isang pictorial sa pangunguna ng kilala pang fashion photographer na si Mark Nicdao.

Ayon sa kilalang photographer, enjoy daw siya sa ginawang pictorial kasama si Soho at ang KMJS team dahil masaya lang daw ang vibes at napakadaling katrabaho ng mamamahayag. Sa katunayan, sa inupload na video ni KMJS Facebook page kung saan kinakapanayam nila si Nicdao, ay sumulpot pa si Soho at sandaling kinulit ang photographer at nagpasalamat dito.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Umani naman ng maraming positibong reaksyon ang pictorial ni Soho kung saan kasama niya ang mga tropeo at mga parangal na nakuha ng kanyang program sa loob ng 15 taon sa ere. Sa kasalukuyan, may halos 25,000 reactions, 2,700 comments, at 600 shares na ang video ng glam pictorial ni Soho.

Sa isang komento rin, ipinadala ng admin ng FB page ng KMJS ang pasasalamat sa magagandang komento ng fans para kay Soho at sa programa. Touched raw ang buong team sa mga pagbati mula sa mga netizen at patuloy na pagsuporta sa programa.