Gurong buntis at kabuwanan na, tinatawid ang bangin at naglalakad ng dalawang oras para lang makapagturo




Larawan mula sa Reel Time
  • Isang nagdadalantaong guro ang naglalakad nang dalawang oras at tumatawid ng bangin para lamang makapagturo
  • Wala raw kasing nahahanap na kapalit na guro ang DepEd kaya patuloy siya sa serbisyo sa kabila ng kanyang kondisyon
  • Sa oras din na magsilang siya ay kailangan niyang pumunta sa ibang lugar dahil walang ospital sa kanilang isla

Sinasabing ang mga guro ang ating ikalawang magulang. Sila ang nagsisilbing gabay habang nasa paaralan tayo. Sila ang nagtuturo magbilang, magsulat, magbasa, at iba pang kasanayan na kailangan natin upang magkaroon ng maayos na hinaharap.

Ngunit maliban sa sakripisyo ng isang guro sa pagtuturo ng mga mag-aaral, mayroong isang guro mula sa Occidental Mindoro na kahit nagdadalantao na, kinakailangan pang maglakad ng dalawang oras at tumawid sa matarik na bangin.

Larawan mula sa Reel Time

Sa award-winning documentary ng GMA News na Reel Time, naisalaysay ang kuwento ni teacher Jay Ann Salibio na na-assign sa Patag Elementary School Annex kung saan kailangan niyang tumawid ng dagat, maglakad ng dalawang oras, at akyatin ang bangin para lamang marating ang eskwelahang iyon.

Kahit 12 araw na lang bago magsilang si Teacher Jay Ann, kailangan pa rin niyang suungin ang pagsubok at tila paglalakbay niya para makarating sa paaralan. Wala pa raw kasing nahahanap na kapalit na guro ni Teacher Jay Ann kaya naman tuloy pa rin siya sa pagtuturo. Ayaw naman daw niyang iwanan ang mga bata.

Habang kinukuhanan ng video ang paglalakad ni Teacher Jay Ann, makailang ulit siyang huminto upang magpahinga. Makailang ulit din niyang ininda ang pananakit ng kanyang tiyan. Hindi biro ang pagtawid sa dagat na ginagawa ng guro dahil kung minsan daw ay mataas ang tubig. Kailangan niya ring maingat na tawirin ang mabatong bangin para marating ang paaralan ng Patag.

Lingguhan lamang kung gawin ito ni guro dahil nagrerenta na lamang sila ng isang kubong tutuluyan nila ng mga kapuwa guro sa loob ng isang linggo. Gayunman, kahit hindi araw-araw ang paglalakad ay dagdag pahirap ito sa kanila. Kung minsan daw ay sinasamahan si Teacher Jay Ann ng kanyang asawa kung wala itong tanggap bilang mananahi.

Larawan mula sa Reel Time

Salaysay pa ng guro, nag-request na raw sila sa Department of Education (DepEd) ng life vest na makatutulong sa kanila lalo na sa pagtawid ng dagat ngunit wala pa ring tugon ang ahensiya. Kahit daw ang nai-file niyang maternity leave ay hindi pa rin naaaprubahan ng division office ng Occidental Mindoro.

Ayon kay Teacher Jay Ann, sa oras raw na isisilang na niya ang kanyang anak ay kinakailangan din niyang umalis ng kanilang isla dahil wala raw ospital doon. Dalangin ng kanyang mga mag-aaral at kapuwa guro ang ligtas na pagsilang ni Teacher Jay Ann.