“Friend” ni Pepito Manaloto na si Ronnie Henares aka Tommy, respetadong performer at talent manager pala




Larawan mula sa YouTube
  • Tumatak sa mga manonood ang karakter na ginagampanan ni Ronnie Henares sa Pepito Manaloto
  • Gumaganap siya bilang Tommy Diones na kaibigan ni Pepito na mahilig mangutang at ‘di mapagkakatiwalaan sa pera
  • Ngunit sa kabila ng pilyo niyang role, isa pala siyang respetadong performer at talent manager

Maliban sa mahusay na komedyanteng si Michael V na lead star ng top rating at award winning comedy show ng GMA Network na Pepito Manaloto, tumatak na rin sa mga manonood ang kakaibang karakter ni Ronnie Henares na si Tommy Diones. Mayroon kasing kakaibang ‘hobby’ ang tauhang si Tommy — ang mangutang at manlinlang para lamang sa pera.

Madalas na ring laman ng memes sa social media ang mukha ni Ronnie bilang Tommy at tila naging simbolo ng panghihiram ng pera para sa mga netizens at avid fans ng show. Napauso pa nga niya ang katagang “Pepito My Friend” na ang ibig sabihin ay “pautang ako.”

Larawan mula sa Instagram account ni Ronnie Henares

Ngunit sa kabila ng kanyang hindi magandang imahe sa show na mahilig manlinlang at madalas mapahamak, sa tunay na buhay naman ay isang respetadong performer at talent manager si Ronnie. Bahagi si Ronnie ng isang singing duo kasama ni Jojit Paredes na tinawag na “The Two of Us.”

Bahagi din si Ronnie ng isang defunct musical show sa GMA Network na Penthouse Seven. Dito ay ipinamalas niya ang kanyang angking husay sa pagkanta at pagsayaw. Sa nasabing show niya rin nakilala ang kanyang misis na si Ida Ramos-Heneras na isang dating executive ng Kapuso Network.

Maliban sa pagiging performer at aktor, kilala rin bilang isang mahusay na talent manager si Ronnie. Ilan sa mga hinawakan niyang showbiz personality ay mayroong malalaking career hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa international music scene.

Ang mga artistang nahawakan ni Ronnie ay ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez, Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha, at seasoned performer na si Nanette Inventor. Ayon sa isang pahayag sa Inquirer, sinabi ni Ronnie na ang paghawak ng talento ay hindi lamang tungkol sa pera kung hindi tungkol din sa paghahanap ng magagandang proyekto.

Larawan mula sa YouTube

Sa kasalukuyan, ang isa sa malalaking celebrity na hinahawakan ni Ronnie ay ang pamangkin ng kanyang asawa na si Rhian Ramos. Kabilang din sa mga alaga ng Kapuso character actor ang baguhang aktres na si Mary Joy Apostol at ang performer ding si Alexa Miro.

Maliban sa Pepito Manaloto, gumagawa rin ng iba pang television show sa Kapuso Network si Ronnie. Isa sa mga huli niyang proyekto ay ang teleserye nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo na Cain at Abel. Nakabilang din siya sa unang Aldub series na Destined To Be Yours.