Financial adviser, namigay ng mga damit sa mga nasa lansangan sa kanyang kaarawan




Larawan mula sa Facebook account ni John Erick Robes
  • Namigay ng tulong ang isang financial adviser sa mga taong nasa lansangan
  • Binigyan niya ng mga damit ang mga taong nasa lansangan sa kanyang kaarawan
  • Ayon sa financial adviser, maliit man daw ang naitulong niya ay malaki naman daw ang maidudulot nito sa mga natulungan niya

Tanyag ang mga financial adviser ngayon na nagbibigay ng ideya at aral kung paano dapat gastahin ang pera. Nagiging instrumento rin sila ng marami sa atin upang maitabi ang ating kita sa tamang paraan at mapaghandaan ang magandang kinabukasan.

Ngunit isang financial adviser ang nagpatunay na hindi lamang wastong paggasta at pamamaraan ng pag-invest ang kaya niyang ibahagi sa kapuwa. Sa mismong kaarawan kasi niya, namahagi siya ng mga damit sa mga nakatira sa lansangan.

Larawan mula sa Facebook account ni John Erick Robes

Ibinahagi ni John Erick Robes sa kanyang Facebook post ang ginawa niyang makabuluhang pagdiriwang sa kanyang kaarawan. Nilibot niya ang Caloocan at ilang bahagi ng Quezon City upang mamahagi ng mga damit sa mga matatanda at batang nasa lansangan.

Ayon kay Robes, ang kanyang pagtulong ay maliit na bagay lamang ngunit isang malaking hakbang upang makapaghatid ng pagbabago sa buhay ng isang tao, lalo na iyong mga kapos sa buhay. Dagdag pa niya, ang pagbibigay ng tulong sa kapuwa at pagbabahagi nito sa kanyang social media account ay maaaring maka-inspire ng iba pa na gumawa rin ng katulad na bagay.

“Helping one person may not change the world, but it can change that person’s world,” makabuluhang pahayag ni Robes na admin din ng Facebook page na Insurance Guide PH na nagbabahagi ng tips sa wastong paggamit ng kitang pera.

Makikita sa larawan ang pag-aabot ni Robes ng damit sa mga nasa lansangan kabilang ang mga matatanda at bata. May mga binigyan din sila ng damit na namamalagi sa ibabaw ng mga footbridge. Hindi rin nakalimutan ni Robes ang dumaan sa simbahan bilang bahagi pa rin ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Larawan mula sa Facebook account ni John Erick Robes

Maraming mga netizen naman na humanga sa  ginawang pagmamalasakit ni Robes sa mga kapus-palad nating kababayan. Pinasalamatan siya ng ilang kaibigan sa Facebook sa pagbabahagi ng kanyang biyaya sa iba. May ilang netizens nga na inimbitahan na rin siya sa iba pang charity works.

“Happy birthday Rick!! God bless. Invite kita sa feeding program project ko next year. God’s will. Be a blessing to others,” pahayag ng isang netizen.