Fast food resto sa Dasmariñas, Cavite, tinatanggap ang reusable containers ng mga customer para iwas plastic




Larawan mula sa YouthFormation Dasmariñas at McDonald's
  • Trending sa social media ang branch ng isang fast food resto dahil sa pagpayag na gumamit ng reusable containers para sa kanilang pagkain
  • Malaking tulong daw ito sa kalikasan lalo na’t nais na rin ni Pangulong Duterte na ipagbawal ang plastik
  • Gayunman, may babala ang ibang netizen sa kapahamakang maaaring idulot ng paggamit ng reusable containers

Kamakailan ay nagbigay ng pahayag ang Malacañang na pinag-iisipan daw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabawal ng paggamit ng plastik sa bansa. Sinabi raw ito ni Duterte sa isang Cabinet meeting dahil sa lumalalang suliraning dulot ng mga basurang plastik sa ating kalikasan.

Hindi pa man tuluyang ibinabawal ng pangulo ang paggamit ng plastik, nagsisimula na ang ilang establisimyento at kainan na umiwas sa paggamit ng plastik. Kabilang rito ang isang fast food restaurant sa Cavite na ginagamit na rin ang reusable containers ng kanilang customers sa pagse-serve ng kanilang mga pagkain.

Larawan mula sa YouthFormation Dasmariñas

Trending sa social media ang post ng Facebook page na YouthFormation Dasmariñas tungkol sa isang branch ng McDonald’s sa Dasmariñnas, Cavite na pumapayag na i-serve ang mga pagkain at inumin nila sa dalang reusable containers ng kanilang mga parokyano.

Makikita sa larawang inupload sa nasabing Facebook page ang tanyag na fried chicken at spaghetti meal na nakalagay sa isang reusable food storage na karaniwang ginagawang baunan ng pagkain ng marami sa atin. Nasa isang reusable tumbler din ang trending na soda float na may pearls o sago ng McDo.

“Hey Mcdonald’s Antlers Dasmariñas, thank you for filling my reusable container so I can avoid single-use plastic and packaging. Now, please make a plan to fully join the #ReuseRevolution and ditch throwaway packaging altogether,” sabi ng Facebook post.

Umani naman ng papuri sa mga netizens ang pagpayag ng McDonald’s branch sa Dasmariñas na gumamit ng reusable packaging. Mayroong 6,100 reactions, 500 comments, at 6,000 shares ang post habang isinusulat ang balitang ito.

Larawan mula sa McDonald’s

Kanya-kanyang tag naman ang ibang social media users sa kanilang mga kakilala na gustong hamunin at gawin din sa ibang fast food restaurant ang pagdadala ng reusable containers upang hindi na gumamit ng plastik.

Gayunman, may ilang netizen na hindi pabor sa ganitong hakbang. Ayon sa kanila, maaari daw makontamina ang pagkain kapag nagpasok sa kusina ng restaurant ng containers. Hindi raw ito pasok sa food safety and standards ng mga kainan. Kaya naman kailangang desisyunan daw ito mismo ng pamunuan ng McDonald’s sa buong Pilipinas bago gawin ng marami sa atin.