Empleyado ng supermarket, nahilo habang nagtitinda ng turon sa labas ng pamilihan; netizens umalma




Larawan mula kay Rubie Leen Amsude
  • Kumakalat online ang larawan ng isang empleyado ng kilalang supermarket na nahilo dahil naglalako ng turon sa kalye
  • Umalma ang netizens dahil daw hindi tamang pagtindahin ng turon sa kalye ang isang taong kumpleto sa requirements
  • Wala pa namang pahayag ang kilalang pamilihan tungkol sa batikos na kinakaharap

Sa panahong mahirap maghanap ng trabaho, isang biyaya ang maging isang empleyado. Kahit gaano kahirap ang pagdaanan ng marami sa atin, basta maayos ang kita ay titiisin natin para sa ating pamilya upang magkaroon ng pantustos sa araw-araw.

Gayunman, may mga pagkakataong hindi rin makatarungan ang pinagdaraanan ng ilang manggagawa tulad ng isang lalaki sa post ng isang Facebook page kung saan ay makikita ito – isang empleyeado ng isang kilalang pamilihan – na sumakit na raw ang ulo dahil sa paglalako sa kalye ng kilalang produkto ng pamilihan.

Larawan mula kay Rubie Leen Amsude

Ayon sa Facebook page na Jerry Velasquez BLOG na orihinal daw na upload ni Rubie Leen Amsude, nahilo at sumakit daw ang ulo ng isang empleyado ng Savemore matapos nitong maglako ng turon sa labas ng establisimyento.

Kung tutuusin, wala namang masama sa paglalako ng turon dahil kabuhayan ito ng maraming Pilipino. Ngunit ang opinyon ng mga nag-post sa social media ay hindi makatarungang paglakuin lamang ng turon ang isang empleyadong kumpleto sa requirements at dumaan sa isang pormal na proseso ng paghahanap ng trabaho.

“Kawawa naman ‘tong empleyado ng Savemore. Sumakit ulo kakatinda ng TURON. Myghad Savemore, maawa kayo sa empleyado n’yo. Umaraw umulan tinda pa rin.  Pa-requirments pa kayo nalalaman. Pagtitindahin n’yo lang pala ng turon,” sabi ng post ng Jerry Velasquez Blog.

Dagdag pa ng Facebook page, hindi raw biro kasi ang ginagastos ng mga empleyado sa pagkuha ng requirements, kasama na ang oras na inilalaan sa pagkumpleto ng mga ito, kaya hindi dapat pagtindahin lamang ng turon sa kalye.

Sumang-ayon naman ang maraming netizens sa post at umalma sa patakaran ng pamilihan. Ang mga naglalako raw ng turon sa kalye ay hindi na kailangan ng requirements at ang kabi-kabilaang panayam.

Larawan mula kay Rubie Leen Amsude

“Katakot-takot na interview ang pagdaraanan mo tapos ang ending taga-tinda ng turon. Kailangan may pleasing personality pa,” komento ng isang netizen sa viral Facebook post.

Gayunman, may mga netizens naman na sinasabing siguruhin munang empleyado raw ng supermarket ang lalaki bago magbigay ng negatibong komento. Wala pa ring opisyal na pahayag ang Savemore tungkol sa isyu.