Dugyot na pinagkainan sa isang sikat na fast food chain, kinondena ng netizens




Imahe mula sa Facebook account ni Loren Blanza/Virtual Pinoy
  • Pinag–usapan ang larawan ng dugyot na pinagkainan na iniwanan na lamang ng mga gumamit na customer sa isang sikat na fast food chain
  • Pati ang service crew na maglilnis nito ay nagtaka rin sa hitsura ng pinagkainan na tila binagyo
  • Iba’t iba ang naging komento ng netizens hinggil dito

Sabi nga, maaaring maging repleksyon ng pagkatao ng isang tao ang kaniyang iniwang lugar kung saan siya kumain, gumawa ng alinmang bagay, o kahit na ang lugar na kaniyang tinutuluyan. Paano na lamang kung napakagulo o napakarumi nito?

Patuloy na kinukondena ng netizens ang larawan na ibinahagi ng isang Facebook user na si “Loren Blanza” kung saan makikita ang “dugyot” na pinagkainang mesa ng mga hindi nakilalang customers mula sa isang sikat na fast food chain, noong Oktubre 31, 2019.

Makikita sa larawan na hindi man lamang sinalansan nang maayos ang mga kartong pinagkainan, gayundin ang mga plastik na baso. Maging sa upuan ay nakapatong ang dalawang tray na punumpuno rin ng pinagkainan. Nanlilimahid ang mesang kinainan kaya maging ang service crew ay napatanong kung ano ang nangyari sa naturang puwesto.

“Share ko lang yung naabutan namin na table sa McDo kanina na parang binagyo. Diyos ko kahit na may mga crew na mag–aayos niyan sana naman be a responsible customer pa rin hindi yung iiwan na lang na ganyan. Sabi pa ng crew na nag–ayos diyan kanina ‘Anong nangyari dito, bakit ganito’?  ayon sa caption ng Facebook post ni Blanza.

Imahe mula sa Facebook account ni Loren Blanza

Umani naman ito ng negatibong komento mula sa netizens.

“Ganyan talaga kapag hindi tinuraan ng tamang–asal. Madaling maging tao, mahirap magpakatao. Kung sa bahay pa lamang ay naturuan na ang mga anak na kumilos nang tama at naaayon sa ethics at proper decorum, hindi natin magiging problema ang ganyang kadugyutan.”

“Dapat man lang inilagay nila nang maayos sa tray yung pinagkainan sa mesa para mas maayos pa ring tingnan. At ang nakakaloka, naglagay pa ng kalat sa upuan. Paano kung mamantsahan ang puwitan ng susunod na kakain? Walang manners ang gumawa niyan.”

“Nakakalungkot lang na nakakalimot na ang iba na dalhin ang good manners and right conduct nila lalo na kapag nasa public places sila.”

Samantala, hindi naman ito nangyayari sa naturang fast food chain lamang kundi maging sa iba pa. Patuloy na nagpapaalala ang netizens noon pa man na huwag pahirapan ang mga service crew sa paglilinis ng pinagkainan, at magbigay ng paggalang o courtesy sa susunod na mga kakain dito.

Imahe mula sa Virtual Pinoy

Anong masasabi mo tungkol dito?

Source :

Facebook