Drama Queens of Generations: Nora Aunor, Mylene Dizon, at Kyline Alcantara, magsasama sa isang teleserye




Larawan mula sa Solid Kapuso Latest Updates at Kyline Alcantara
  • Balik sa paggawa ng teleserye ang Superstar na si Nora Aunor
  • Makakasama niya sina Kyline Alcantara at Mylene Dizon
  • Mapapanood raw ang teleserye sa Afternoon Prime sa 2020

Magbabalik sa telebisyon ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor. Sa pagkakataong ito, mananatili siyang isang Kapuso. Pagkatapos ng TV series niyang “Onanay” na ipinalalabas din ngayon sa iba’t ibang bahagi ng Latin America, bibida siya sa isang drama project kasama ang mahuhusay na aktor at direktor.

Ibinahagi ng GMA Artist Center sa kanilang Facebook page ang cast ng panibagong teleserye na “Bilangin ang Bituin sa Langit.” Hindi pa malinaw kung remake ito ng pelikula ni Nora noong 1989 kasama si Tirso Cruz III kung saan nanalo siya ng best actress sa Urian at FAMAS.

Larawan mula sa Instagram account ni Kyline Alcantara

Kasama ni Nora bilang main characters sa drama ang dalawang mahusay na aktres din ng kani-kanilang henerasyon na sina Mylene Dizon at Kylene Alcantara. Tulad ni Nora, kilala rin ang dalawa sa mahuhusay nilang pagganap bilang mga bida at kontrabida.

Makakasama din nila sa nasabing serye sina Zoren Legaspi, Gabby Eigenmann, Ina Feleo, at ang baguhang aktor na si Yasser Marta. Magiging direktor naman nila ang award-winning director na si Laurice Guillen na matatandaang nanguna rin sa trending drama noong 2016 na “Ika-6 na Utos.”

Sa kanyang Instagram account, ibinalita ni Kyline na sa Afternoon Prime mapapanood ang bagong serye. Aniya, hindi pa rin siya makapaniwala na makakasama niya ang dalawang aktres at hindi niya malaman ang emosyong nararamdaman sa ngayon.

Larawan mula sa Solid Kapuso Latest Updates

“Bilangin Ang Bituin Sa Langit. Soon on GMA Afternoon Prime. Ps: yes, I’m nervous, excited and crying inside. Hehe,” paliwanag ni Kyline sa kanyang post na pinusuan naman ng mga kapuwa artista niya kabilang si Lovely Abella at Benjamin Alves.

Wala pang eksaktong petsa kung kailan ipalalabas ang bagong teleserye nina Nora, Kyline, at Mylene ngunit ayon sa mga komento ay maaaring mapanood ito sa 2020 pa. Marami namang fans ng Superstar ang natuwa na muli nilang mapapanood sa isang de kalidad na proyekto ang kanilang idolo.