Customer sa gadget store, iniiwan daw lagi ang tsinelas sa labas ng tindahan para ‘di madumihan ang sahig




Larawan mula sa Facebook post ni MrHdt Sonirt at Pexels
  • Hinangaan ang isang lalaki na nag-iiwan lagi ng kanyang tsinelas sa labas ng isang shop
  • Ayaw daw nitong madumihan ang puting tiles ng tindahan kaya nagyayapak na lang ito sa loob
  • Maraming netizen naman ang humanga at sinabing di dapat husgahan ang tao base sa hitsura nito

May kasabihan na “Don’t judge a book by its cover.” Hindi raw kasi lahat ay nakikita sa panlabas na anyo at hindi angkop na gawin itong basehan sa lahat ng bagay. Kung minsan, kung sino pa ang nahuhusgahan sa kanilang anyo, ay sila pa raw ang mayroong mabubuting kalooban.

Ito ang mensahe ng Facebook post ng isang netizen tungkol sa isang customer na ‘di mo raw aakalain sa unang tingin na mayroong pagmamalasakit sa kapuwa. Sa tuwing papasok daw kasi ang customer na ito, mas minamabuti niyang iwan ang kanyang tsinelas sa labas ng shop.

Larawan mula sa Facebook post ni MrHdt Sonirt

Ayon sa post ni MrHdt Sonirt, may isa raw silang parokyano noon na sa tuwing babalik sa kanilang shop ay talagang iiwan ang kanyang tsinelas sa labas. Puting-puti kasi ang tiles ng tindahan kaya naman kaunting hakbang lang ng tsinelas ay tiyak na madudumihan ito.

Pahayag pa ng uploader, hindi niya raw inakala na sa lahat ng customer nila, ang lalaking iyon pa na napakasimple manamit at tila may kakaiba sa kanyang balat ang magmamagandang-loob upang mabawasan ang kanilang intindihin sa kanilang tindahan.

“Ayaw niya madumihan ang sahig. Pilitin man namin sa tuwing pupunta siya pero ayaw niya talaga ipasok ang tsinelas. Mapapaisip ka na hindi ka talaga pwedeng manghusga ng tao base sa suot at anyo. Minsan kung sino pa ang sinasabi natin na kakaibang tao, sila pa yung nagpapakatao,” pahayag ng uploader sa kanyang post.

Ngunit paglilinaw ng uploader, noong 2014 pa raw kuha ang larawan ngunit ngayon niya lamang naisipang ibahagi upang magbigay leksiyon at inspirasyon na rin para sa maraming netizen. Hindi naman siya nabigo dahil marami ang humanga sa kuwento ng lalaki.

Larawan mula sa Pexels

Pahayag ng ilang netizen, hindi talaga dapat husgahan ang tao sa anyo. Kilala raw nila, matagal na, ang lalaki sa viral na larawan na tinatawag nilang Tyson. Kakaiba man daw ang hitsura nito ay kilala raw talaga ito sa kanilang lugar bilang mabuting tao.

Ang ibang netizens naman ay ibinahagi ang kuwento ng kanilang mga kakilala na katulad ni Tyson ay mayroong malasakit sa kalinisan ng paligid. Salaysay ng isang ina, ang apat na taong gulang niyang anak ay minsan na rin daw iniwan ang tsinelas nito sa isang grocery store upang hindi madumihan ang sahig.