Bibili ka ba o iilag? Mapamukaw na karatula ng isang paninda, nagdulot ng saya




Imahe mula sa Facebook page na KaProbinsya/Public Domain Image
  • Kinatuwaan ng netizens ang isang karatula o paskil ng mga panindang walis tambo
  • Matibay raw kasi ang mga panindang walis tambo na maaaring ipanghampas sa tsismosang kapitbahay
  • Ang walis tambo ay isang uri ng kagamitang panlinis na yari mula buhok o hibla ng mais, talahib, o kaya naman ay sintetikong hibla

Isa sa mga dapat isaalang–alang sa pagtatagumpay ng isang negosyo ang mapamukaw at mapanghikayat na patalastas. Isa ito sa mga “marketing strategy” na kailangang pag–isipang mabuti upang makuha ang atensyon ng mga mamimili at tangkilikin ang inihahaing produkto o serbisyo. Mas makatawag–pansin, kadalasang mas patok.

Kaya naman, nagdulot ng saya sa netizens ang isang karatula ng panindang walis tambo, lalo na sa nakalagay rito. Makikita ito sa Facebook page na “KaProbinsya“. Nakalagay kasi sa karatula na “Walis na matibay, pwede mong ihampas sa tsismosa mong kapitbahay”.

Imahe mula sa Facebook page na KaProbinsya

Narito ang ilan sa komento ng netizens:

“Pabili nga ako niyan, panghampas sa mga tsismosa na walang ginawa kundi ang irapan ako tuwing nagkakasalubong kami sa lugar namin.”

“Hindi ko na lang siguro ipanghahampas. Sayang naman ang walis at pera ko. Ipangwawasiwas ko na lang sa mga mukha at bibig nila para luminis–linis naman hahahaha…”

“Aba okay ito ah. Makabili nga ng limang piraso. Wawalisin ko ang mga tsismoso at tsismosa sa lugar namin para mawala na sila… dapat linisin ang bawat lugar.”

Ang walis ay isang uri ng kagamitang panlinis ng mga Pilipino sa kabahayan. Nahahati ito sa dalawang uri: walis tambo at walis tingting. Ang walis tambo ay yari mula buhok o hibla ng mais, talahib, o kaya naman ay sintetikong hibla.

Maituturing itong unique na produkto mula sa Pilipinas na kadalasang  ginagawa sa rehiyon ng Cordillera Administrative Region, at dinarayo pa sa Baguio City. Sa paglilinis, kadalasang ito katambal ay isang pandakot. Karaniwan itong ginagamit sa loob ng bahay o mga establisyimiento na sementado.

Samantala, ang walis tingting naman ay mula sa patpat ng dahon ng niyog. Pinagsasama–sama ito sa pamamagitan ng bigkis. Ito naman ang panlinis sa labas ng bahay tulad ng bakuran o kalsada.

Public Domain Image

Kung ikaw ay mamimili, bibili ka ba nito o iilag ka na lamang?

Source :

Facebook