Barkong sumadsad sa isang barangay sa kasagsagan ng bagyong Yolanda, ginawang memorabilia




Public Domain Image
  • Nagsagawa ng misa sa Yolanda Shipwreck Memorial Park bilang paggunita sa mga sinawimpalad sa hagupit ng  Yolanda noong 2013
  • Ang barkong MV Eva Jocelyn ay sumadsad sa lupa ng isang barangay sa Tacloban City 
  • Naalala rin ng netizens ang mga isyung kaakibat nito tulad ng nawawalang pondo at donasyon para sa mga biktima

Ginunita ng mga taga–Tacloban City ang kanilang mga mahal sa buhay na nawala matapos ang matinding pananalasa ng bagyong Yolanda sa naturang lugar noong Nobyembre 2013, sa pamamagitan ng isang misa sa barkong sumadsad noon sa Barangay Anibong na ginawang memorabilia.

Bilang pag-alala sa mga naging biktima nito, itinayo ang “Yolanda Shipwreck Memorial Park” o tinatawag ding “Eva Jocelyn Shrine” mula sa barkong MV Eva Jocelyn na sumadsad sa lupa sa kasagsagan ng bagyo, at nagwasak sa 14 na kabahayan. Ibinenta ng Eva Shipping Lines sa Philippine Precious Metal Resources ang naturang barko, na ipinagkaloob naman sa lokal na pamahalaan ng Tacloban. Taon–taon itong dinarayo ng mga turista hanggang sa maging memorial park.

Imahe mula sa Facebook page ng ABS CBN News

Umani naman ito ng komento mula sa netizens. Marami sa kanila ang nakisimpatya at nakiramay sa mga pamilyang nawalan ng minamahal dahil sa bagyong Yolanda. Nabuksan din ang isyu kung nagastos ba nang tama ang pondong nakalaan para sa mga biktima lalo pa’t marami ang nagbigay ng donasyon para sa rehabilitasyon ng Tacloban.

“Dapat idagdag sa caption, ‘tanda ninyo pa ba yung ninakaw na pondo para sa mga Yolanda victims at yung mga binulok na mga relief goods’?”

“Tanda ko yung maraming pledges ang ibang bansa pero hindi lahat monetary, natandaan ko din yung hinahanap na Yolanda funds ginamit sa pag–rehabilitate ng Marawi.”

“Should be converted now into a shrine but rather a quick shelter in case of st0rms…”

“I am a survivor of this super typhoon, at napakabilis ng panahon. 13 years old lang ako nang nangyari ito at ngayon 20 na.”

“Hindi na naialis iyan diyan kaya ginawa na lang na memorial park dahil na–corrupt ang pondo. Lalo lang maaalala ng mga tao kung gaano kahirap ang nangyari after ng pananalasa ng Yolanda.”

Public Domain Image

Hinihikayat naman ang publiko na maghandog ng panalangin para sa mga naging biktima ng bagyong ito.