Balikan: Iconic role ni Ogie Alcasid bilang “Boy Pick-up” at mga banat niyang malayo sa katotohanan




Larawan mula sa Regal at GMA Films
  • Isa sa mga sumikat na roles ni Ogie Alcasid ay si Boy Pick-up
  • Mula sa pagiging segment sa Bubble Gang ay nagkaroon pa ito ng movie adaptation
  • Kasama ring sumikat ni Ogie sa nasabing segment ay sina Sam Pinto at Eri Neeman

Maliban sa pagiging isang tanyag na singer at composer, nakilala rin si Ogie Alcasid bilang isang mahusay na komedyante. Nang nasa Kapuso network pa, isa siya sa mga cast member ng longest running gag show na Bubble Gang, kasama ang comedy genius na si Michael V.

Sa kanyang 18 taong pagiging bahagi ng Bubble Gang, marami na ring nagampanang roles si Ogie na tumatak sa mga manonood. Isa sa mga ito ay ang si Boy Pick-up. Ito ay hango sa nausong pagbibigay ng pick-up lines upang pakiligin ang taong nililigawan. Ngunit ang pinauso ni Boy Pick-up ay ang pagbibitaw ng pick-up lines na malayo sa katotohanan.

Larawan mula sa Regal at GMA Films

Lumalabas si Boy Pick-up sa sketch sa Bubble Gang na “Pick-Up Line” kung saan naglalaban-laban ang mga pikapista na parang isang fliptop battle. Kailangan nilang ibato ang kanilang pick-up lines kay Neneng B (Neneng Bakit) na ginagampanan ni Sam Pinto. Si Michael V naman ang nagsisilbing emcee at referee ng mga naglalaban na kilala bilang si MC Bits.

Si Boy Pick-up ang defending champion na kinahaharap ng mga challengers niya na kadalasang ginagampanan nina Antonio Aquitania, Boy2 Quizon, Moymoy Palaboy, at ilang guest stars tulad nina Dennis Trillo at Derrick Monasterio.

Bahagi ng sketch ang trademark ni Boy Pick-up ang kanyang mga pick-up lines na malabo naman ang mensahe. Ngunit kahit hindi malinaw ang kanyang pick-up lines, sa tulong ni Boy Back-up na si Eri Neeman na tanging nakaka-gets ng kanyang pick-up lines, ay naiintidihan na rin ng audience ang kanyang pick-up at napapapalakpak na lamang sila.

Larawan mula sa Regal at GMA Films

Madalas na trending noon ang bawat episode ni Boy Pick-up at marami rin ang gumagaya sa kanya. Naging idolo siya ng marami at dahil sa naging popularidad ng tauhan niya ay naging pelikula pa ito. Pinamagatang “Boy Pick-up The Movie” ang pelikula na inilabas noong Hunyo 2012.

Maliban sa pelikula, nagkaroon din ng kanta at TV special na hango sa mga tauhan ng Boy Pick-up sketch. Naglabas ang Bubble Gang ng episode tungkol kay Neneng B na pinamagatang “Bakit Tinawag na Neneng Bakit si Neneng Bakit?” habang si Ogie naman ay naglabas ng isang single na pinamagatang “Kape Ka Ba?”