Bagong disenyo ng limang piso at bente pesos na barya, ipinasilip na ng BSP




Larawan mula sa GMA News
  • Ipinasilip na ng BSP ang bagong disenyo ng limang piso at ang bagong bihis ng bente pesos
  • Barya na ang bente pesos simula sa susunod na taon dahil madali raw masira ang perang papel
  • Nonagon o may siyam na kanto naman ang limang pisong barya para hindi malito ang mga Pilipino

Kamakailan ay naging maugong ang balita na magkakaroon ng bagong disenyo ang dalawa sa banknotes sa Pilipinas, ang limang pisong barya at bente pesos na mula sa pagiging paper bill ay magiging coins na. At dahil nalalapit nang ilagay sa sirkulasyon ang mga nasabing barya, ipinakita na ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bagong barya.

Sa ulat ng GMA News, naipakita na ang bagong mukha ng lima at dalawampung piso na gagamitin na raw sa 2020. Enhance version kung tawagin ng BSP ang bagong bihis ng limang pisong barya na ngayon ay mayroon nang siyam na kanto o hugis nonagon.

Larawan mula sa GMA News

Paliwanag ni BSP Security Plant Complex Senior Assistant Governor Engr. Dahlia Luna, binago raw nila ang hugis nito upang mas madaling matukoy ang kaibahan nito sa piso at sampung pisong barya na nagbibigay kalituhan sa maraming Pilipino ngayon.

Ipinasilip na rin nila ang kontrobersyal na pagpapalit anyo ng bente pesos na mula sa pagiging papel ay magiging barya na ngayon. Two-tone daw ang P20 na barya na may halong kulay bronze at silver, katulad ng lumang disenyo ng sampung pisong barya.

Hindi naman nagbago ang bayani na tampok sa nasabing salapi dahil makikita pa rin dito ang ikalawang pangulo ng Pilipinas na si Manuel Luis Quezon.

Ipinaliwanag naman ng BSP ang kanilang naging desisyon sa pagpapalit ng 20 pesos at gawing barya ito. Ang 20-peso bill daw ang pinakaginagamit na paper bill sa bansa kaya naman madali itong masira at mas malaki ang nagagasta nila sa pagre-reprint ng mga ito.

Kung magiging barya daw ang bente pesos ay mas magiging mahaba ang life span nito dahil ‘di hamak na mas matibay naman daw ang metal kaysa sa papel.

Larawan mula sa GMA News

Gayunman, ngayong Pasko ay nag-imprenta pa rin ang BSP ng mga malulutong na perang papel kabilang ang 20 pesos dahil batid nilang isa ito sa mga hilig ibigay ng mga Pilipino bilang pang-aginaldo.

Pero mukhang ito na ang huling Pasko na makapagbibigay ng malutong na bente pesos ang mga ninong at ninang dahil sigurado nang gagamitin ang 20 pesos na barya sa susunod na taon.

Source :

GMA News, YouTube