‘Average Joe’ at ‘Chocolate’ paboritong sayawin sa mga Christmas party noon




Larawan mula sa Pinoy Exchange at GMA Network
  • Bahagi ng bawat mag-aaral ang mga Christmas party
  • At hindi nawawala ang mga sayawan at intermission number sa mga party na ito
  • Kabilang sa mga paboritong sayawin noon ay ang Average Joe at Chocolate

Noong mga panahong nasa eskwela pa ang mga batang 90s, paniguradong sa mga panahong ito ay pinaghahandaan na ng marami ang kanilang mga sasayawin sa kani-kanilang Christmas party. Mayroong mga solid na magkakagrupo na tiyak ay hindi padaig sa kanilang intermission number sa huling araw ng klase bago ang holiday season.

At isa sa mga takbuhan ng mga nakatoka sa intermission numbers ay ang mga sikat at usong sayaw. Siguradong kapag narinig ng audience ang sikat na tugtog, hindi pa naman kayo nagsisimulang umindak ay makukuha na nito ang atensyon nila.

Larawan mula sa Pinoy Exchange

Kabilang sa mga nakahiligang sayaw ng mga kabataan noon ay ang mga pausong sayaw ng reality show ng GMA na StarStruck. Nang manalo bilang ultimate male survivor ng unang season, maraming napausong sayaw ang bad boy ng dance floor na si Mark Herras. Kabilang na riyan ang ‘Average Joe.’

Ito ang pambatong sayaw noon ng mga kalalakihan. Kanya-kanya silang hataw sa iconic dance steps na pinauso ni Mark, suot ang may kalakihang t-shirt at cap o sun visor. Dahil hindi pa uso ang Internet noon, kailangan pang magpaturo ng sayaw sa nakakakabisado ng steps.

Isa rin sa mga hinataw ng mga kabataan noon ang sayaw na ‘Chocolate’ ng Soul Control na pinauso naman ng StarStruck batch 2 kabilang sina Ryza Cenon, Mike Tan, LJ Reyes, at Megan Young. Bagay na bagay ito sa mga grupong magkahalo ang lalaki at babae dahil ganito rin ito sinasayaw sa reality show.

Larawan mula sa GMA Network

Nakagiliwan ng mga kabataan noon ang Chocolate dahil maliban sa nakaiindak nitong tugtog ay madali ring sundan ang steps nito na karaniwan ay kinabibilangan ng hand movements. Ilan pa sa napausong sayaw ng StarStruck ay ang ‘Bop It,’ ‘Follow the Leader,’ at ‘Hey Ya!’

Kasama rin sa special preparation ng mga bata noon ang pagpapa-burn ng CD ng kanilang sayaw. Wala pa namang Spotify at hindi pa sikat ang YouTube noon kaya naglalaan talaga ng oras ang mga batang 90s para magkaroon ng gagamiting CD.