Zumba king: Lalaki pinakitaan ng todo-bigay moves ang mga momshie na nagzu-Zumba sa mall




Larawan mula sa Facebook video ni Tristan Cheng
  • Viral sa Facebook ang video ng isang lalaki na naki-Zumba sa isang mall
  • Bigay-todo kasi ito sa paghataw, mas maindak pa kaysa sa mga totoong kasali sa Zumba
  • Maraming netizens naman ang na-good vibes sa pagsayaw ng lalaki

Nauso sa Pilipinas ang Zumba nitong mga nakaraang taon. Ginagawa ito ng mga kababaihan at mga may edad na gustong maging fit at masigla ang pangangatawan. Hindi kasi ramdam ng mga ito na isang ehersiyo ang ginagawa nila dahil sa nakaaaliw na dance moves at tugtugin.

Dahil dito, laganap ang mga Zumba classes saan mang panig ng Pilipinas. Mayroong Zumba session na ginagawa sa mga covered court, sa mga kanto, at kahit sa mga mall. Ito ang naabutan ng isang lalaki nang minsang mapadaan sa mall. Nakita niya ang mga kababaihang nagzu-Zumba at nakisali siya sa mga ito. Marahil ay hindi na nakatiis sa nakaiindak na tugtugin? Well, ayan at pinakitaan sila ng isang kakaibang performance ni kuya.

Larawan mula sa Facebook video ni Tristan Cheng

Nag-trending sa Facebook ang video na ibinahagi ng Facebook page na Tatawa Na Ba Ako o Mamaya Na? na orihinal na inupload ni Tristan Cheng, kung saan makikita ang isang lalaki na nakisayaw sa mga nagzu-Zumba. Ngunit hindi basta-basta ang naging ‘performance’ ng lalaki, kung hindi todo-bigay.

Mas malambot pa ang katawan at mas mahusay pang gumiling ang lalaki kaysa sa mga nanay sa sumasayaw. Tawang-tawa naman ang nagvi-video sa paggiling ng lalaki sa saliw ng Dancing Queen ng ABBA.

Maraming netizens ang na-good vibes sa kakaibang Zumba moves ng lalaki. Habang isinusulat ang balitang ito, mayroon nang 42,000 reactions, 6,100 comments, at 40,000 shares ang post ng Facebook page.

Kanya-kanyang tag ang mga netizens sa kanilang mga kaanak at mga kaibigan para masaksihan ang todo-bigay na nakiki-Zumbang lalaki. Ang ilan naman ay minungkahi sa mga hatawero nilang kakilala na gawin din ang tinaguriang “nakiki-Zumba” challenge.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

“Dapat ganito gawin mo pag nakakita ka ng mga nagzu-Zumba sa mall. Ewan ko lang kapag hindi ka napagod agad pag ganito ka humataw,” biro ng isang netizen.

Ang ibang netizens naman ay naalalang mag-Zumba dahil sa viral video ng lalaki. Panahon na raw para magbalik sa kanilang healthy lifestyle lalo na’t marami na namang kainang mangyayari sa mga Christmas party.