Titser, may pa-bonus activity sa mga estudyanteng mahilig gumawa ng meme




Imahe mula kay Allan Lomeda Navida | Facebook
  • May pa-bonus activity ang isang titser sa final exam ng kaniyang mga mag-aaral
  • Naglaan ang guro ng isang bahagi ng test para sa kaniyang mga estudyanteng mahilig gumawa at magbasa ng meme
  • Marami naman ang naaliw sa bonus items ng guro, maging sa naging resulta ng memes na isinulat ng kaniyang mga mag-aaral
I-click ang imahe para mabasa ang buong post

Kalimitang nararamdaman ng mga estudyante ang pressure sa pag-aaral tuwing sasapit na ang kanilang final exam. Malaking bahagi kasi ng resulta nito ang bubuo sa kanilang pangkabuuang grade para sa buwan o taon na kanilang ginugol sa pag-aaral.

Kakaiba naman ang naging paraan ng isang guro mula sa Tanza National Comprehensive High School para ilabas ang natatanging galing ng kaniyang mga mag-aaral sa kanilang final exam.

Sa Facebook noong October 16, ibinahagi ni Allan Lomeda Navida ang inilaan niyang bonus activity para kaniyang mga estudyante na mahilig gumawa at magbasa ng memes sa social media.

Marami ang naaliw sa mga naging kasagutan ng mga mag-aaral kaya agad itong nag-viral sa social media. Sa katunayan, umani ang post na iyon ni Allan ng 53,000 reactions at 97,000 shares sa Facebook.

Isa sa mga kinagiliwan ng netizens na sagot na memes ay ang kadalasang scenario tuwing may nahuhulog na pagkain sa sahig o mesa.

Sa hiwalay na Facebook post, sinabi ng guro na nais niyang pagaanin ang bigat na dulot ng final tests sa mga estudyante. Nais niya rin umanong bigyan ng bonus points ang mga ito dahil sa ipinamalas nilang husay sa klase.

Imahe mula kay Allan Lomeda Navida | Facebook

Ayon pa sa kaniya, naisip niyang gawing bonus activity ang pagsusulat ng memes dahil alam niya kung gaano ka-engage ang kaniyang mga mag-aaral dito at sa paggamit ng social media.

“This finals, I thought of using memes for one, they are mainstream (am aware of how engage my students on social media),” sabi ng guro. “And two, they’re very entertaining plus a good avenue to send the message I’d like to convey⏤on a creative and subtle manner.”

Sa huli, nagpasalamat ang guro sa mga natuwa at naka-appreciate ng ginawa niyang bonus activity para sa kaniyang mga minamahal na estudyante.