Thesis ng mga mass comm students ng PUP-Manila, tungkol sa mga taong pinagtagpo ngunit hindi itinadhana




Larawan mula sa Facebook account ni Rudolf Anthony Lacerna
  • Trending ngayon sa social media ang mala-hugot na thesis ng mga mass comm students ng PUP-Manila
  • Paksa nila sa kanilang research ang mga naging magkarelasyon nang matagal ngunit hindi nagkatuluyan
  • Maraming netizens naman ang naaliw sa kakaibang paksa ng thesis ng mga taga-PUP

Isa sa mga pinangangambahang pagsubok ng mga mag-aaral sa kolehiyo ang kanilang thesis. Hindi kasi biro ang ilalaan mong oras, talino, at enerhiya upang matapos ang isa sa pinakamahalagang requirement bilang college student. Ang ilan nga ay hindi pinapalad na maipasa ang programang ito sa kolehiyo at may pagkakataong kailangan pang ulitin.

Ngunit para sa isang grupo ng mga mag-aaral mula sa Polytechnic University of the Philippines – Manila, ang thesis ay kaya ring gawing isang nakaaaliw na bagay. Idinaan kasi nila ang kanilang research sa isang umaatikabong hugot tungkol sa paghahanap ng mailap na forever.

Larawan mula sa Facebook account ni Rudolf Anthony Lacerna

Ibinahagi ng nagsilbing chairperson ng thesis defense panel na si Rudolf Anthony Lacerna sa kanyang Facebook account ang kakaibang research ng mga mass communication students ng PUP. Tungkol ito sa mga nagkarelasyon nang matagal ngunit naghiwalay din at hindi ikinasal.

“Pinagtagpo ngunit hindi itinadhaha: A Case Study About Couples Who Had Long-Term Relationship But Did Not Marry Each Other,” ito ang naging pamagat ng research ng mga Broadcast Communication students ng College of Communication ng PUP.

Proud na proud naman si Lacerna sa mga estudyanteng nag-defend ng kanilang thesis at ginamit pa ang hashtag na ‘walang poreber’ bilang pagsuporta sa pinagtagpo ngunit hindi itinadhana research ng mga mag-aaral.

 “Thesis defended na rin kayo… Proud na ako ang chair ng panel. There is hope. #WalangPoreber,” sabi ni Lacerna sa kanyang trending post na mayroong 18,000 reactions at 36,000 shares habang isinusulat ang balitang ito.

Larawan mula sa Facebook account ni Rudolf Anthony Lacerna

Aliw na aliw naman ang netizens sa research na nagmistulang hugot at kanya-kanyang tag pa sa kanilang mga kaibigang nagkaroon din ng relasyong matagal ngunit nauwi rin sa hiwalayan. Iyong iba ay pabiro pang ginagamit ang sikat na pang-asar ngayon na “ay sorry na-tag.”

Ang iba naman, tina-tag ang kanilang mga kaklase at sinabing gayahin daw nila ang paksa ng mga PUP students sa kanilang sariling thesis. May ilan namang naka-graduate na at nanghihinayang kung bakit hindi nila naisip ang ganitong topic habang ang iba naman ay gusto umanong mabasa ang kabuuan ng research at malaman ang mga kuwento sa loob ng research.