That’s Entertainment stars, nag-reunion para sa kaarawan ni Kuya Germs at victory party ni Yorme Isko Moreno




Larawan mula sa Instagram post ni Tina Paner
  • Nag-reunion ang mga celebrity ng defunct variety show na That’s Entertainment
  • Ito ay bilang pagdiriwang ng kaarawan ng namayapang si Kuya Germs
  • Binigyan din nila ng parangal ang kapuwa That’s star na si Yorme Isko Moreno

Ilang dekada na ang lumipas nang ipalabas sa telebisyon ang youth-oriented variety show na That’s Entertainment sa pangunguna ng certified star maker at master showman na si German “Kuya Germs” Moreno, at patuloy pa ring tinitingala at inaabangan ang mga bituing natuklasan sa show.

At sa unang linggo ng Oktubre, muling nagningning ang mga celebrity mula sa That’s dahil muli silang nagsama-sama para sa isang reunion party, kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ng kanilang yumaong tatay-tatayan sa industriya na si Kuya Germs, at bilang victory party na rin ng kasamahan sa show na si Isko Moreno na alkalde na ngayon ng Maynila.

https://www.instagram.com/p/B3TKq8RH1qF/
I-click ang larawan upang mapanood ang video

Makikita sa Instagram post ng aktres at That’s star na si Tina Paner ang mga larawan ng ginawang salusalo noong Oktubre 4 sa Salu restaurant na pagmamay-ari nina Harlene Bautista at Romnick Sarmenta na parehong taga-That’s din.

Dumalo sa okasyon ang anak ni Kuya Germs at MTRCB board member na si Federico Moreno at pamangkin at co-host ng Master Showman sa defunct late night show na Walang Tulugan na si John Nite.

Ilan sa mga That’s star na dumalo noong gabing iyon ay sina Sharmaine Arnaiz, Jennifer Sevilla, Vina Morales, Ian Veneracion, Patricia Javier, Assunta de Rossi, Ramon Christopher, Karen Timbol, Nadia Montenegro, at marami pang iba.

Naging highlight ng pagtitipon ang paggawad ng isang parangal para kay Mayor Isko mula sa mga kasamahan para sa natatanging ambag nito sa malaking pagbabago ng Maynila. Iniabot nila ang isang plaque of appreciation sa tinaguriang “Yorme ng Maynila.”

Larawan mula sa Instagram post ni Tina Paner

Nauna nang nagbahagi ng pagbati si Isko sa kanyang ama-amahan na si Kuya Germs sa mismong araw ng kaarawan nito noong Oktubre 4.

Siyempre, hindi mabubuo ang gabi ng That’s Entertainment reunion kung walang production numbers mula sa mga artistang produkto ng show ni Kuya Germs. Nag-upload si Tina sa kanyang Instagram account ng isang video kung saan kumakanta siya at iba pang That’s girls ng “Buttercup.” Hiling ng mga netizens, sana raw ay full version na ang i-upload ni Tina dahil nakaaaliw daw silang panoorin.