Taong may karangalan: Ang pinakasikat na magtataho sa UP Diliman




Imahe mula sa Facebook page na Humans of Diliman/Public Domain Image
  • Itinampok sa isang Facebook page ang pinakasikat na magtataho sa campus ng UP Diliman
  • Ang pangalan niya ay Kuya Bon at 24 na taon na siyang naglalako ng taho sa naturang pamantasan
  • Masaya siya sa kaniyang hanapbuhay at patuloy na gagawin habambuhay

Kapag ang mga alumni ay bumabalik sa kanilang alma mater o inang pamantasan, hindi maiiwasang balik–balikan at sariwain ang alinmang bagay na patungkol dito — mga dating guro, kaklase, mga kawani, mga naging silid–aralan, pasilidad, at mga naging tambayan.

Kaya naman, pinag-usapan ng netizens ang ginawang pagtatampok ng dalawang mag–aaral na sina Kamea Mangrobang at Kenya Manalastas na makikita sa Facebook page na “Humans of Diliman 2019” ang pinakasikat na magtataho sa UP Diliman na si “Kuya Bon” sa loob ng 24 taon.

Ayon sa Facebook post, 15 taong gulang pa lamang si Kuya Bon ay naglalako na siya ng taho dahil ito ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya. Wala na siyang ibang nais gawin kundi ang paglalako ng taho, lalo na sa campus ng UP. Hindi na mabilang ang mga “Isko at Iska ng Bayan” na nakabili sa kaniya ng panindang taho at soya milk.

“Sobrang masaya na ako dito. Panghabambuhay ko na ‘tong gustong gawin,” pahayag ni Kuya Bon.

Imahe mula sa Facebook page na Humans of Diliman

Nagsisimula umano ang kaniyang paglalako sa CHK gym sa ganap na ikapito ng umaga. Dahil mabilis maubos ang kaniyang paninda, agad siyang bumabalik sa kaniyang bahay sa tanghali upang  malamanan ang kaniyang container. Bumabalik siya sa campus ng mga bandang ikatlo ng hapon upang muling maglako.

Hihintayin niya ang mga nagsasanay at gutom na atleta hanggang ikasiyam ng gabi. Ayos lamang umanong gabihin siya sa pagtitinda dahil nakakadaupang–palad niya ang mga sikat na coaches at atleta ng pamantasan.

“The simple joy people get from consuming a 20-peso cup of taho is incomparable to the fulfillment Kuya Bon gets from spreading this joy. He wants nothing to change, because his life at the moment already is simply joyful,” batay sa Facebook post.

Nagbigay naman ng komento rito ang mga taga–UP Diliman. Pinatotohanan nila ito.

“Actually, Kuya Bon is a very kind and softhearted person, he gives my teammate a taho for free everyday because my teammate doesn’t have enough money to buy anything in UP kiosk or canteens.”

“He is truly rich in every sense of the word. It is the wealth within that makes one really rich.”

Samantala, nagpahatid naman ng pasasalamat ang maybahay ni Kuya Bon sa comment section.

“Hello po! Asawa po ako ni Kuya Bon ninyo, nagpapasalamat po ako una, sa ‘Lord’ dahil ginamit niya ang asawa ko sa abot ng makakaya niya sa pagmamahal ninyo hindi lang sa paninda niyang taho at soya, kundi pati na sa ano at sino siya. Hindi matutumbasan ng salita ang nais gawin ng ating pus0.”

Public Domain Image

Saludo kami sa iyo, Kuya Bon!

Source :

Facebook