Senadora Imee Marcos, nais munang ipahinto ang pag-aangkat ng bigas hanggang matapos ang 2019




Larawan mula sa Facebook page ni Sen. Imee Marcos at PNA
  • Nais ni Senadora Imee Marcos na itigil muna ang pag-aangkat ng bigas hanggang sa matapos ang 2019
  • Marami pa raw kasing nakatambak na bigas sa mga warehouse at dapat daw na ipaubos ito
  • Gusto rin ng senadora na dagdagan ang buwis ng dinadalang produkto sa bansa

Iba’t ibang hakbang na ang ginagawa ng mga mambabatas upang matulungan ang mga magsasaka sa bansa na lubhang naaapektuhan ng rice tarrification law. May panukala pa nga ngayon na bigas na mismo ang ibibigay sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na manggagaling sa mga magsasaka sa bansa.

Ngayon naman, nais ni Senadora Imee Marcos na ihinto na muna ang pag-aangkat ng bigas hanggang sa matapos ang 2019 bilang tulong sa mga magsasakang nalulugi na dahil sa mahigpit na kompetisyon mula sa mga imported rice.

Larawan mula sa Facebook page ni Sen. Imee Marcos

Napag-alaman kasi sa ginawang hearing para sa budget ng Department of Agriculture (DA) na nakatengga lamang ngayon sa warehouse ng mga rice trader ang napakaraming imported rice mula sa ilang bansa sa Asya.

Sa ilalim kasi ng rice tarrification law, inialis na ang quota at pagbubuwis sa pag-aangkat ng bigas. Nilagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019 upang matugunan ang kakulangan sa suplay ng bigas at hindi maawat na pagtaas ng presyo nito sa lokal na merkado.

Ngunit dahil sa natuklasan, nakiusap si Marcos kay Duterte na pansamantala munang itigil ang pagpapatupad ng rice tarrifaction law at ipaubos muna ang tambak ng mga bigas hanggang sa matapos ang taong 2019.

“I want to say p’wede ba tigilan na ang pag-iimport ng bigas hanggang maubos na yan? Kasi heto na ang main crop, ngayon na ang panahon ng anihan,” pahayag ni Marcos.

Maliban sa pagpapatigil pansamantala ng pag-aangkat ng bigas, nais din ng senadora na dagdagan ang buwis ng hanggang 800 percent ang mga dinadalang bigas sa bansa katulad umano ng ginagawa ng mga bansang Japan at Korea.

Larawan mula sa PNA

Ibinunyag din ni Marcos na maaaring mayroong kartel na nagsasamantala sa rice tarrification law at nag-iimbak ng bigas upang makontrol ang presyo nito.

Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority, lubhang naapektuhan ang industriya ng palay sa bansa dahil bumaba ng 4.7 percent  ang produksyon ngayong taon. Nasa 3.05 million metric tons na lamang ito kumpara sa 3.20 million noong nakaraang taon.