Sen. Migz Zubiri, gustong ipatigil ang pag-e-export ng asukal sa US; sugar millers, nangangamba sa epekto nito




Larawan mula sa Facebook page ni Migz Zubiri at PNA
  • Nais ipahinto ni Sen. Migz Zubiri ang pag-e-export ng asukal sa bansang Amerika
  • Ayon sa senador, mas mabuting dito na lamang sa Pilipinas ibahagi ang suplay dahil may kakulangan
  • Saad naman ng SRA, may hindi magandang epekto raw ito sa ating ekonomiya

Sa isang hearing sa senado, ipinahayag ni Senate Majority leader Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na kailangan nang ihinto ng Sugar Regulatory Authority (SRA) ang pag-e-export ng ng asukal sa United States dahil mayroon nang kakulangan ng suplay nito sa bansa.

Ayon kay Zubiri, imbes na ipinadadala sa US ang bahagi ng produksiyon ng asukal sa bansa, ibenta na lamang daw ito sa mga lokal na kompanyang nangangailangan ng asukal.

Larawan mula sa PNA

“Can we not export anymore to the US? Because it is not a treaty that is building,” sabi ni Zubiri sa mga kinatawan ng SRA sa pagpupulong kaugnay sa budget ng Department of Agriculture (DA).

Giit pa ng senador, ipagbili na lamang daw ito sa bansa upang matulungan ang lokal na industriya at mapababa ang presyo ng asukal. Ang nangyayari daw kasi, nagdadala tayo ng asukal sa ibang bansa habang nag-i-import din tayo.

Gayunman, kahit sinabi ng SRA na bukas sila upang pag-aralan ang pagtanggal ng pagbebenta ng asukal sa US, nangangamba sila sa mga negatibong epekto ng pagputol sa uganayan ng US at Pilipinas sa pag-export ng asukal.

Ayon sa ahensiya, sa oras daw na hindi na tayo makapag-suplay sa Amerika, maaaring humanap ng ibang pagkukuhanan ang nasabing bansa at hindi na ibalik pa sa Pilipinas ang ugnayan. Kapag daw nangyari ito, malaking kabawasan ito sa industriya ng asukal sa bansa.

“If we scrap that, regaining access will not be that easy. Once we give that up, US will reallocate this to other exporting countries. What happens if we lose that, it might be indefinite to have it back,” sabi ni SRA administrator Hermenegildo Serafica sa isang pahayag.

Larawan mula sa Facebook page ni Migz Zubiri

Noong Hunyo, nauna nang binawasan ng SRA ang alokasyon ng ipinadadalang asukal sa US. Nakapagpapadala na lamang umano ang SRA ng 120,000 metric tons ng asukal sa Amerika; 12 porsiyentong mas mababa kaysa sa 136,201 metric tons dahil sa kakulangan na rin ng suplay sa bansa.

Nagkaroon ng suliranin sa suplay ng asukal sa bansa ngayong taon dahil sa El Niño at dahil na rin sa kakulangan ng mga trabahador partikular ang tagaputol ng mga tubo.

Positibo naman ang pananaw ng SRA na mas tataas ang produksiyon ng asukal sa susunod na crop year. Nakapagtala ng 2.072 million metric tons ng produksiyon ngayong taon na sapat naman daw sa pangangailangan ng bansa ayon sa SRA.