Sama-samang paglilinis ng Maynila, hiling ni Mayor Isko Moreno sa kaniyang kaarawan




Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso
  • Malapit na ang kaarawan ni Mayor Isko Moreno
  • Ang kaniyang birthday wish ay para sa kapakanan pa rin ng Maynila at ng mga Manilenyo
  • Marami kaya ang tumugon sa kaniyang panawagan at kahilingan? 

Sa Oktubre 24 ay ipagdiriwang ni Manila City Mayor Isko Moreno ang kaniyang ika-44 kaarawan. Sa loob ng tatlong buwang panunungkulan bilang alkalde ng Maynila ay hindi maipagkakaila ang kaniyang mga nagawa para sa lungsod at sa mga Manilenyo.

At para sa nalalapit niyang kaarawan, isang kahilingan ang ipinakiusap niya sa mga Manilenyo.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso

“Sa darating na ika-24 ng Oktubre, Huwebes, kasabay ng pagdiriwang ng aking kaarawan ay hinihiling ko na sama-sama tayong maglinis at mag-ayos ng ating pamayanan, tanggapan, gusali at mga nasasakupan,” saad sa liham na na nilagdaan ni Mayor Isko para sa mga Manilenyo.

Ang paglilinis ng Maynila sa darating na Huwebes ay pangungunahan ng Manila Tourism and Cultural Affairs Bureau.

“Inatasan ko ang Kawanihan ng Turismo at Kapakanang Pangkultura ng Maynila na pangunahan ito at simula sa ika-7 ng umaga ay sabay-sabay tayong maglinis ng ating kapaligiran,” dagdag pa ng mayor.

Ang pagsisikap na ito ay bilang simbolo umano ng pagkakaisa ng lahat ng mga Manilenyo na patuloy na naghahangad ng pagbabago tungo sa ganap na pag-unlad ng Maynila.

“Inaasahan ko ang inyong pagtugon at pakikiisa sa makabuluhang gawaing ito,” pahabol ng butihing mayor.

Ang makabuluhang gawaing ito ay tiyak na susuportahan ng mga Manilenyo hindi dahil sa hiling lamang ng kanilang mayor kundi dahil mahal nila ang kanilang lungsod.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Kahit halos nakatatatlong buwan pa lamang nanunungkulan si Mayor Isko ay marami na rin siyang nasimulang proyekto na nagbago at muling nagpabango sa Maynila.

“Marami na po ang ating nasimulan na pagsasaayos ngunit malayo pa ang ating lalakbayin upang makamit ang pinakamimithing pagbangon mula sa kalugmukan ng ating minamahal na Lungsod ng Maynila,” saad pa ni Mayor Isko.

Mabuhay ka po, Mayor Isko Moreno! Sana ay magtuloy-tuloy pa ang mga makabuluhang proyekto na iyong nasimulan. Pagsaludo rin sa lahat ng mga Manilenyo na nag-aambag ng kabutihan para sa pagbabago.

Source :

Facebook