Rodjun Cruz at Dianne Medina, ipinasilip ang kanilang makulay na prenup pictorial sa Turkey




Larawan mula sa Instagram account nina Dianne Medina at Rodjun Cruz
  • Ipinasilip nina Rodjun Cruz at Dianne Medina ang kanilang prenup photos
  • Ginawa ang pictorial sa Cappadocia, Turkey
  • Patok naman sa mga netizens ang konsepto ng kanilang pre-wedding pictorial

Itinodo ng celebrity couple na sina Dianne Medina at Rodjun Cruz ang kanilang pre-wedding pictorial. Maliban sa magagarang suot at kuha, lumipad pa sila sa Cappadocia, Turkey para doon kuhanan ang kanilang mga larawan bago opisyal na maging mag-asawa.

Ibinahagi nina Rodjun at Dianne sa kani-kanilang Instagram accounts ang mga larawan sa ginawang pre-nuptial pictorial sa Turkey.  Elegante ang mga kuha na pinalamutian ng magaagndang kasuotan ng couple at ang nakakatulalang ganda ng background.

Larawan mula sa Instagram account ni Dianne Medina

Sa isang larawang ibinahagi ni Dianne, makikitang nakasuot siya ng mahabang red na gown habang si Rodjun naman ay pormado sa kanyang coat at long sleeves polo. Nakabibighani ang background nilang napakaraming hot air balloons kung saan kilala ang Cappadocia.

Marami ang namangha sa mga larawan nila na naliligiran ng mga hot air balloons. Sabi ng kanilang mga fans ay tila nasa pictorial sila ng isang malaking fantasy movie. Hindi nga nagkamali ang fans dahil tulad ng mga napapanood sa mga pelikulang may malalaking produksiyon, hindi rin biro ang dinaanan ni Dianne para sa kanyang gown.

Sa hiwalay na post, pinasalamatan niya ang mga tao at produksiyon sa likod ng mga artistic photos. Sa baba naman nito, iniligay ni Dianne ang isang trivia na may bigat daw na 30 kilograms ang kanyang pulang gown.

Si Rodjun naman ay ibinida ang kanilang mala-Shawn Mendez at Camila Cabello-inspired photo. Background nila ang ilang tapestry mula sa bansang Turkey habang nakasuot si Rodjun ng white sando na mayroong suspenders habang si Dianne naman ay naka-white knitted dress.

Larawan mula sa Instagram account ni Dianne Medina

Nakatanggap naman ng pagbati ang couple mula sa kanilang mga kaibigan mula sa industriya katulad nina Angelika dela Cruz, Marco Alcaraz, Valeen Montenegro, Miss World Philippines Laura Lehmann, at maging ang PBA star na si Jericho Cruz.

Ang engagement ng long time couple ay nagsimula noong Oktubre 2017 na ginawa sa Boracay. Nakatakda namang ikasal ang dalawa sa Disyembre 2019 at mayroong official hashtag ang kanilang kasal na #RodToForeverWithDianne.