Robin Padilla, dinepensahan ang mga kaibigang artista na sumama kay Pangulong Duterte sa Russia




Imahe mula sa Facebook page ni Robin Padilla
  • Ipinagtanggol ni Robin Padilla ang mga kaibigang artista na sumama sa official trip ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia noong nakaraang linggo
  • Nilinaw ng action star na hindi libre ang kanilang pagsama roon
  • Wala rin daw silang tinatanggap na talent fee sa pag-entertain nila sa mga OFWs  

Dinepensahan ni Robin Padilla ang kaniyang mga kaibigan at kapuwa artista na sumama kay Pangulong Rodrigo Duterte sa 5-day visit nito sa Russia noong nakaraang linggo.

Imahe mula sa Facebook page ni Robin Padilla

“Kailangan kong ipagtanggol yung mga kaibigan ko. Nagbabasa ako kanina, may mga nakikita ako diyan, binabanatan niyo si Kuya Ipe, si Cesar Montano at si Moymoy [Palaboy], bakit sila nasa Russia,” pambungad ni Padilla sa video.

Ang video ay in-upload ni Salvador sa kaniyang Facebook account noong Oktubre 6 na may ganitong caption: “Ayan, napikon na sa inyong mga dilawan ang aming kapatid!”

Sinagot din ni Padilla ang mga batikos na libre o pera ng bayan ang ginastos ng mga ito sa pamamasyal sa Russia.

Binigyang-diin ni Padilla na galing sa sarili nilang bulsa ang ginastos nila sa Russian trip. Sila umano ang nagbayad ng kanilang pamasahe at maging ng hotel na kanilang tinuluyan.

“Mukha ba kaming mga walang pera?” sarkastikong tanong pa ni Padilla.

Sinabi rin niyang may pera sila at ang perang iyon ay “gift” umano sa kanila ng mga taong sumusuporta sa kanila.

Ipinaliwanag din ni Padilla na bagama’t kasama sila ng pangulo sa mga trips nito sa abroad, tiniyak niyang hindi sila kasama sa mga opisyal na pagpupulong nito, at maging sa pagkain ay hindi sila nakikisabay o nakikihalubilo.

Binigyang-diin din ni Padilla na ang pagsama nila sa pangulo ay hindi umano dahil sa mga pabor o official business nito kundi dahil sa mga Pilipinong naroon sa mga bansang kanilang pinupuntahan.

Imahe mula sa Facebook page ni Robin Padilla

“Ine-entertain namin ang mga Pilipino nang walang bayad,” giit pa ng action star.

Hinamon din ni Padilla ang mga kritiko: “’Yung mga bumabatikos, kayo ba nagbabayad ng tax? Bago ninyo tirahin si Kuya Ipe, bago ninyo tirahin si Cesar, bago ninyo tirahin si Moymoy, at iba pang artista, maglabasan nga tayo kung magkano ibinabayad natin sa tax? Hinahamon ko kayo.”

Samantala, nilinaw rin ni spokesperson Salvador Panelo na ang mga artistang sumasama sa pangulo ay hindi binabayaran o hindi binibigyan ng talent fees.