Reyna ng Encantadia noon, reyna ng business ngayon: Silipin ang mga negosyo ni Diana Zubiri




Larawan mula sa Instagram account ni Diana Zubiri
  • Marami ang humanga kay Diana Zubiri dahil sa mahusay niyang pagganap sa original version ng Encantadia bilang Danaya
  • Ngayon naman, pinahahanga niya ang lahat dahil sa husay niya sa pagnenegosyo katuwang ang kanyang asawa
  • Mayroon siyang food cart business, may mga apartment at condo units, sports apparel, at beauty product business

Nagmarka sa mga manonood ang kakaibang pagganap ng aktres na si Diana Zubiri bilang Danaya sa 2005 edition ng GMA Network telefantasya na Encantadia. Minahal ng fans ang karakter niya bilang matapang at palabang Sang’gre o makapangyarihang diwata na naging dahilan para siya ang tanghaling reyna.

Ngunit halos 15 years matapos ang kanyang iconic role na Danaya, reyna pa rin si Diana; hindi na nga lang ng Encantadia, kung hindi ng kanyang mga negosyo. Katuwang ang asawang si Andy Smith, pinapatakbo ni Diana ang ilang negosyo habang napapanood pa rin naman sa ilang TV shows.

Larawan mula sa Instagram account ni Diana Zubiri

Isa sa mga ipinagmamalaki ni Diana sa kanyang mga negosyo ay ang kanyang mga food cart business. Marami siyang na-franchise na sikat na food cart na pinagkakakitaan niya ngayon. Kabilang sa mga ito ay ilang siomai at fries food cart na matatagpuan sa Lagro at Maginhawa, Quezon City at Marikina Public Market. Ginawan pa ni Diana ng Instagram account ang kanyang food cart upang ma-update ang kanyang fans and customers, at para sa mga posibleng maging kliyente.

Maliban sa food cart business, mayroon din siyang labindalawang unit ng apartment na pinarerentahan nilang mag-asawa. At kamakailan lamang, mula sa kinita sa kanyang pinakahuling proyekto sa Kapuso network na Dragon Lady, ay nakabili silang mag-asawa ng dalawang condo units. Ayon sa aktres, ipaparenta rin daw nila ito sa pamamagitan ng usong-uso na Airbnb.

At dahil hinahangaan ng mga Pilipino ang ganda ni Diana hanggang sa kasalukuyan, ibinabahagi niya ang kanyang beauty secret sa pamamagitan naman ng kanyang beauty soap business. Matatagpuan ang opisina ng Beauche International by Diana Zubiri sa Marikina City. Doon ay nagbebenta sila ng beauty soaps, lotions, cleansing formula, at cream.

Hindi pa riyan natatapos ang mga negosyo ng reyna ng mga Sang’gre. Mayroon din siyang sports and workout apparel business na papalitan daw nila ng pangalan. Sinabi ni Diana sa isang panayam na ang dating tawag sa kanyang clothing line ay G3 at Be Amazing at nakatakda naman nilang i-relaunch ito.

Larawan mula sa Instagram account ni Diana Zubiri

Ang sekreto raw ni Diana sa kanyang maunlad na mga negosyo ay ang magandang samahan nila ng asawang si Andy. Kahit ano raw na pasukin niyang negosyo, kailangan daw ay magkasama sila ng asawa. Kapag din abala si Diana sa kanyang mga proyekto bilang artista, ang kanyang asawa ang tumitingin sa kanilang mga negosyo.

Gayunman, inilahad ni Diana na mayroon silang balak na tumira ang kanilang pamilya sa Australia kung saan galing ang kanyang asawa. Nagustuhan daw kasi ng panganay nilang si King ang environment doon kaya pagpa-planuhan nilang maigi ang pag-migrate.

Source :

PEP, Instagram