Retiradong sundalo, ibinalik ang bag na mayroong lamang P107,000 sa may-aring senior citizen




Larawan mula sa Dumalinao MPS FB Page
  • Isinauli ng isang retiradong sundalo ang P107,000 sa may-ari nito na isang senior citizen
  • Nagkataon namang ‘Honesto’ ang pangalan ng matapat na dating lingkod-bayan
  • Humanga naman ang netizens sa katapatan niya at masaya sila para sa matandang may-ari ng salapi

Iba-iba ang dahilan ng pagpapangalan sa atin ng ating mga magulang. Ang ilan ay ipinangalan sa kanilang mga paboritong personalidad, habang ang iba naman ay nakabatay sa kahulugan ng pangalan upang magdala ng magandang kapalaran sa kanilang mga anak.

Ngunit para sa isang retiradong sundalo, tila nakatadhana siyang pangalanan bilang ‘Honesto’ dahil pangangatawanan niya ang pagiging matapat. Marami ang humahanga kay retired Philippine Army Lieutenant Honesto Tosoc dahil isinauli niya ang natagpuang bag na naglalaman ng P107,000.

Larawan mula sa Dumalinao MPS FB Page

Natagpuan daw ni Tosoc ang bag sa Barangay Sibucao, Zamboanga del Sur at agad na dinala sa pinakamalapit na istasyon ng pulis. Hindi naman nahirapang hanapin ang may-ari ng nawawalang bag dahil mayroong ID sa napulot na bag.

Agad na nakipag-ugnayan ang Dumalinao, Zamboanga PNP sa may-ari ng bag at pera na napag-alamang si lolo Diosdado Gaco Perater, 76 anyos na mula sa barangay Maruing, Lapuyan, Zamboanga del Sur. Nagpunta agad sa istasyon si Perater at ang kanyang asawa upang kuhanin ang nawawalang bag at pera.

Naroon din si Tosoc sa p0lice station upang personal na iabot ang nakuhang pera. Malaki naman ang pasasalamat ng matanda dahil naibalik ang kanyang pera at iba pang mahahalagang dokumento mula sa bag.

Ayon naman kay Tosoc, hindi niya naisip na angkinin ang laman ng bag kaya dinala niya ito sa istasyon. Mapalad naman daw at mayroong ID sa loob nito kaya natunton ang may-ari. Kahit na raw retirado na siya ay nais pa rin niyang makapaglingkod sa kapuwa sa pamamagitan ng pagiging tapat at disiplinadong mamamayan.

Larawan mula sa Dumalinao MPS FB Page

Humanga rin ang mga netizens sa katapatang ginawa ni Tosoc. Sabi nila, isang inspirasyon si Tosoc sa marami na malaki ang nagagawang tulong sa iba ng pagiging matapat sa kapuwa. Isang patunay din umano ang kagandahang loob ni Tosoc na handang maglingkod ang mga opisyales na tulad niya, nasa serbisyo man o wala.

“Pangalan pa lang, Honesto na talaga! Good job, sir! Sana ay marami pang sundalo ang maging katulad mo! Nakakahanga ka,” sabi ng isang netizen.