Proud sa pinagmulan: Babaeng may lahing Igorot, ginawang Cordilleran ang theme ng debut




Larawan mula sa Facebook page na The Igorot
  • Patok sa mga netizens ang kakaibang tema ng debut ng isang dalaga mula sa Baguio City
  • Hango kasi sa Cordillera ang tema ng kanyang debut dahil may lahi siyang Igorot
  • Mula sa pagkain, gown, souvenirs, at decorations, Cordilleran-inspired ang makikita sa venue

Isang mahalagang yugto sa buhay ng mga kababaihan ang kanilang ika-18 kaarawan o debut. Marami sa kanila ang pinaghahandaan ang gagawing selebrasyon, mula sa programa, gown na susuotin, lugar na paggaganapan, at kung sino-sino ang iimbitahin.

Ngunit para sa isang dalaga mula sa Baguio City, hindi na kailangan pang lumayo at mag-isip pa ng kung ano-ano para makalikha ng isang maganda at kakaibang tema. Napagpasiyahan niya at ng kanyang pamilya na gawing tema ng kanyang debut ang kultura nila bilang mga Cordilleran.

Larawan mula sa Facebook account na The Igorot

Trending sa social media ngayon ang debut ni Caitlin Evangelista dahil ang kanyang damit, mga pagkain, ayos ng venue, at mga souvenir ay nakaayon sa tradisyon at kultura ng mga Igorot ng Cordillera. Isang Igorot kasi ang kanyang ina na si Laila Evangelista.

Ayon sa isang panayam sa TV Patrol, sinabi ni Caitlin na noong pinaplano nila ito ng inang si Laila, hindi nila alam kung magiging matagumpay at masaya ba ang debut lalo na’t lubhang kakaiba ito sa mga nakagawiang 18th birthday celebration.

Kakaiba dahil ang walong putaheng inihain ay mga tradisyonal na pagkain mula sa Cordillera. Kumain naman ang mga bisita nang nakakamay at nakalagay ang mga pagkain sa saha at dahon ng saging at bao ng niyog.

Maging ang mga gown ni Caitlin ay yari sa tradisyonal na telang hinahabi ng mga taga-Ifugao at Mountain Province. Maging ang iba pang bisita ay nakasuot din ng Cordilleran-inspired na outfit.

Maliban daw sa pagiging kakaiba at sa pagmamahal sa lahi, ayon sa ina ni Caitlin, malaking tulong din daw sa kalikasan ang napiling tema dahil ang mga ginamit na materyales bilang palamuti, kubyertos, at souvenir ay yari sa mga recyclable materials.

Larawan mula sa Facebook account ni Jade Melitante

Proud rin ang ama ni Caitlin na si Edilberto sa magandang konsepto ng debut ng anak. Mula man sa Pangasinan ang ama, lumaki naman daw siya sa Baguio kaya naging malaking bahagi na rin ng kanyang pagkatao ang kultura ng mga Cordilleran.

Bilang pagtatapos ng pagdiriwang, sumayaw naman ang si Caitlin at ang mga dumalo sa kanyang debut ng tradisyonal na sayaw ng mga Cordilleran na ‘inan-aninit.’

Source :

YouTube, Facebook