Pagbebenta ng mga cellphone na segunda mano, ipinagbawal ni Mayor Isko Moreno




Public Domain Image
  • Bawal na ang pagtitinda ng mga segunda manong cellphones sa Maynila
  • Utos ito ni Mayor Isko “Moreno” Domagoso
  • Balak niyang ipasara ang mga malls na mahuhuli at mapatutunayang tumatanggap ng mga nakaw na cellphone upang muling ibenta

Ipinag–utos ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagbabawal sa pagbebenta ng cellphones na segunda mano o second hand sa buong Maynila, lalo na sa mga mall na tumatanggap at bumibili ng mga nakaw na cellphone batay sa pahayag ng Manila Public Information Office nitong Lunes, Oktubre 7, 2019.

Pinagsabihan din ni Yorme Isko ang mga malls, partikular ang pamunuan ng “Isetann Mall” sa Recto, Maynila, na ipapasara niya ito kapag ipinagpatuloy ang pagtanggap sa mga nagtitinda ng segunda manong mga cellphone, na kadalasan ay nakaw pa.

Public Domain Image

Nagbigay naman ng reaksyon dito ang mga netizens.

“Modus kasi iyan. Diyan ibinebenta ang mga nakaw na cellphone. Tapos kapag nabili na, nanakawin ulit at ibebenta ulit. Saan ka naman nakakita ng ganiyang sistema.”

“Babalik at babalik pa rin yan. Mga STL nga nakikita ko pa rin naka–open. Kailangan po dapat may nagmomonitor kahit once a week or twice a week lang para sure po na malinis na talaga ang Maynila.”

“Naranasan namin na ipinipilit sa amin yung cp na bilhin na raw namin, mainit–init pa at kakahablot lang yata, diyan iyon sa harap ng Isetann, kaya ayaw na naming maglakad–lakad diyan.”

“Kawawa naman ang hindi maka–afford ng bago tulad sa akin umaasa lang ng secondhand!”

“Good idea. Para mabawasan ang mga mandurukot. O mas maganda kung complete papers dapat. Pero malamang hindi mapatupad yung complete papers. Hehe.”

Public Domain Image

“Along Recto, simula sa Avenida hanggang sa F. Torres St., yung sa hanay ng McDo. Daming mandurukot diyan sa area, simula sa Aranque Market. Mandurukot, tapos yung mga cellphone na nadukot, diyan din nila ibebenta sa mga stalls diyan sa area na nabanggit ko.”

Kinakagat ng ilang mga kababayan ang pagbili ng mga segunda manong cellphones dahil hindi hamak na mas mura ang halaga ng mga ito kung ihahambing sa mga bago at lehitimong cellphones na itinitinda sa mga malls.