Nostalgia: Mensahe ba’y naipaabot gamit ang telephone booth?




Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila/Public Domain Image
  • Pinag–usapan sa isang Facebook page ang lumang larawan ng telephone booth
  • Hindi pa uso ang paggamit ng cellular phones noon
  • Ito ay hinuhulugan ng barya upang magamit at makatawag

Mapalumang style na may keypad o pinakamodernong smartphone, halos lahat ng tao ngayon sa Pilipinas o maging sa iba pang panig ng mundo ay may cellphone. Kung dati ay itinuturing itong luho, sa kasalukuyang panahon ay itinuturing na ito bilang isa sa mga pangangailangan lalo na sa iba’t ibang larangan.

Subalit bago pa man mauso ang mga cellular phones, gayundin ang texting o pagpapadala ng mga mensahe, ang pinakasikat na behikulo ng komunikasyon noon ay ang paggamit ng telepono. Noon, kapag ang iyong pamilya ay may telepono o landline sa bahay, nangangahulugang may “K” ka o may kaya sa buhay. Hindi lahat ay may kakayanang magkaroon ng telepono kaya nauso ang mga hulugang telephone booths.

Kaya naman, nakaramdam ng nostalgia ang mga netizens sa isang larawang ibinahagi ng Facebook user na si Jethro Ty sa Facebook page na “Memories of Old Manila”. Batay sa kaniyang Facebook post, makikita rito ang mga tao noon na nakapila sa isang telephone booth upang maipahatid lamang ang kanilang mensahe sa pamamagitan ng pakikipag–usap.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Upang magamit ito, kailangang maghulog ng barya na katumbas ng dalawa hanggang tatlong minutong pakikipag–usap. Para naman tuloy–tuloy ito, kinakailangang maghanda ng mas maraming barya na ihuhulog upang hindi maputol ang tawag. Kailangang limitahan lamang ang tawag lalo na kung may pila. Bawal ang “telebabad”.

Naaliw naman ang mga netizens sa naturang lumang larawan. Nagbigay sila ng kanilang reaksyon hinggil dito, lalo na ang mga nakaranas na makipila at tumawag gamit ito.

I remember the song ‘tatlong bente singko lang ang aking kailangan para makausap ka kahit sandali lang’ hehehe.”

“Para di na kami maghulog ng pera, sinusundot nila ng barbecue stick yung hulugan para unli call na hahaha kalokohan ng mga tao noon, those were the days…”

“Patunay at pangitain lang iyan, na kahit noong araw pa, ay mahilig talaga ang mga Pinoy sa pakikipagtawagan. Nagkaroon ako ng kaibigang babae dahil diyan, magkasunod kasi kami sa pila sa booth. Nauna siya bago ako.”

“Hahaha tapos na uso payphone tumawag yung kaphone pal ng kapitbahay bandang huli kayo na magka–phone pal.”

Public Domain Image

Mula noon hanggang ngayon, iisa lamang ang pinatutunayan nito: ang pakikipag–usap at pakikipag–ugnayan ay isa sa mahahalagang gawain ng tao sa araw–araw niyang pamumuhay.

Source :

Facebook