Netizen inilagay sa resume bilang skills ang lyrics ng kantang “I Can” nina Donna, Regine Velasquez, at Mikee




Larawan mula sa Facebook account ni Roni Ecalner Andres
  • Patok sa mga netizens ang “skills” ng isang job seeker sa Facebook
  • Inilagay kasi sa skills niya sa resume ang lyrics ng kantang “I Can”
  • Awit nina Donna Cruz, Regine Velasquez, at Mikee Cojuangco ang I Can na sumikat noong 90s

Kanya-kanyang effort ang mga Pinoy job seekers para matanggap sa trabaho. May ilan na nakikipagsapalaran sa mga job fair. May ilang todo hanap ng hanapbuhay sa mga classified ads sa dyaryo at online. Habang ang ilan naman ay panay ang pagdalo sa mga trainings at seminars para maging mas kwalipikado sa nais na pasukang trabaho.

Pero may paandar ng isang netizen sa kanyang resume na sigurado raw na magiging dahilan para tanggapin siya sa kanyang dream job. Trending ngayon sa Facebook ang post ni Roni Ecalner Andres na inilagay ang liriko ng sikat na 90s movie soundtrack na “I Can” nina Donna Cruz, Regine Velasquez, at Mikee Cojuangco.

Larawan mula sa Facebook account ni Roni Ecalner Andres

Ayon kay Andres, swak na maging skills ang lyrics ng pamosong kanta kaya ito ang inilagay niya sa kanyang resume. Biro pa niya, kapag hindi pa naman siya natanggap sa dami ng kanyang “I can,” ay ewan na lang daw niya.

Nakagawa si Andres ng siyam na “skills” mula sa kanta na talaga namang bentang-benta sa mga netizens. Naisulat niya ang “I can live,” “I can love,” “I can reach the heavens above,” “I can right what is wrong,” “I can sing just any song,” “I can dance,” “I can fly and touch the rainbows in the sky,” “I can be your good friend,” at “I can love you until the end.”

Marami ang na-good vibes at nakakuha ng idea sa ilalagay sa mga resume nila kaya naman kahit higit dalawang buwan na ang nakalilipas ay patuloy pa rin itong nila-like at shine-share ng mga netizens. Umabot na nga sa 9,000 reactions, 1,800 comments, at 22,000 shares ang nakuha ng post.

Ilang mga Facebook users ang nag-tag sa kanilang mga kaibigang job seekers din at sinabing magandang ideya raw ang skills ni Andres at gusto nilang gayahin para matanggap sa trabaho. May ilan naman daw na napakanta dahil paborito nila ang movie theme song ng “Do Re Mi.”

Larawan mula sa YouTube

“Dapat ganito inilagay natin sa resume natin para natanggap tayo eh. Edit n’yo na mga bes!” sabi ng isang netizen na naka-tag pa ang ilang FB friends niya.

“Napabukas tuloy ako ng YouTube para marinig ko iyong kanta. Paborito ito ng mga batang 90s eh. Pwede rin pala sa resume,” pahayag naman ng isa.

Source :

Facebook, YouTube