Napatawa ka na rin ba ng komedyanteng si “Apeng Daldal”?




Public Domain Image
  • Nakakuha ng atensyon mula sa mga netizens ang larawan ni Apeng Daldal
  • Isa siya sa mahuhusay na mga komedyante noong 60’s hanggang 80’s
  • Marami sa mga nakaabot at nakapanood sa kaniya ang nagpatunay na mahusay siyang magpatawa

Kapag usaping komedya o pagpapatawa ang pag–uusapan, ilan sa mga Philippine showbiz icons na agad na papasok sa isipan ninuman ay sina Dolphy, Babalu, Redford White, Panchito, Chiquito, Palito, Rene Requiestas, Cachupoy, at marami pang iba. Subalit tila madalang lamang ang nakakikilala sa mahusay na komedyanteng si “Apeng Daldal”.

Nabuksan ang kuryosidad ng mga netizens sa larawan ng isang lalaking komedyanteng may malalaking ngipin na ibinahagi ng isang netizen na si Omar Tiglao sa Facebook page na “Memories of Old Manila”. Ayon sa kaniyang Facebook post, isa sa mga paborito niyang komedyante si Apeng Daldal kahit hindi ito itinuturing na sikat o “top comedian”.

“Isa sa mga paborito ko… hndi siya top comedian, simple pero magaling ‘yan. Napatawa niya rin ba kayo?”

Public Domain Image

Nagbigay naman ng reaksyon dito ang mga netizens lalo na ang mga naabutan at napanood siya.

“One of the best… sana ipalabas mga pelikula niya. Iyan ang mga klase ng comedian na hindi kailangan mang–insulto ng kanilang kapwa para makapagpatawa lamang.”

“Magaling na komedyante iyang si Apeng Daldal lalo na sa Cafeteria Aroma kasama sina Miniong Villegas at Manok.”

“Kay Apeng ko natutuhan yung linyang ‘May papalapit na papalapit na bagyo sa Pilipinas habang ang Pilipinas naman ay PAPALAYO NANG PAPALAYO…”

Public Domain Image

Si Apeng Daldal o Serafin Gabriel sa tunay na buhay, ay isang komedyante, aktor, mang–aawit, at manunulat. Nagmula ang kaniyang screen name na “Apeng” sa malalaki niyang ngipin at “Daldal” naman dahil sa kaniyang mabilis na pagsasalita. Ilan sa mga nakilalang pelikula niya ay ang “Libis ng Baryo” noong 1964,  “Magic Bilao” noong 1965, at “Dobol Dribol” noong 1979. Siya ay yumao noong Pebrero 9, 1992 sa edad na 63.