Mga madayang timbangan mula sa isang pampublikong palengke sa Bulacan, kinumpiska at sinira




Larawan mula kay Joshua Nicdao
  • Upang mapangalagaan ang mga konsumer sa kanilang bayan, nagkaroon ng inspeksiyon ang taga-Malolos City Hall sa kanilang palengke
  • Kinolekta at sinira ng mga tauhan ng Malolos City ang madadayang timbangan mula sa kanilang palengke
  • Iba-iba naman ang reaksyon ng mga netizens sa naging hakbang na ito ng mga awtoridad

Nalalapit na naman ang Pasko. Ibig sabihin nito ay mapapadalas na naman ang pamimili ng pagkain ng maraming pamilyang Pilipino. Kasabay ng panahong ito ay ang pagtaas din ng presyo dahil sa pagtaas ng demand.

Kaugnay nito, pinasinayaan ng pamunuang lokal ng Malolos City sa Bulacan ang pag-iinspeksiyon sa mga timbangan ng pampublikong palengke ng kanilang lungsod. Isa kasi sa mga modus ng ilang mga tindero sa Malolos Public Market ay ang dayain ang mga timbangan upang kulang ang maibigay sa mga mamimili.

Larawan mula kay Joshua Nicdao

Ayon sa ulat ng Radio Bulacan 103.9 RB FM,  kinumpiska ng mga tauhan ng city hall ang napakaraming timbangan mula sa mga nagtitinda na bumagsak sa inspeksiyon. Kulang sa timbang ang mga ito na nanlilinlang sa mga mamimili.

Nang makolekta ang mga madadayang timbangan, agad itong winasak ng mga taga-munisipyo sa harap mismo ng palengke upang hindi na magamit pa ng mga tinderong hindi patas sa kanilang mga parukyano.

Iba-iba naman ang reaksyon ng mga netizens sa naging hakbang na ito ng lokal na pamahalaan. Marami ang natuwa dahil nasampolan umano ang mga hindi patas na negosyanteng nililinlang ang mga mamimiling hirap na nga sa pagba-budget para sa pagkain ng pamilya.

“Dapat lang yan sa mga mandaraya! Nagbabayad kami nang tama sa presyo at hindi pa makatawad minsan, tapos ganito pala. Grabe kayo. Hindi kayo patas sa mga taong nagbibigay ng buhay sa hanapbuhay nyo!” bulalas ng isang netizen.

Sambit naman ng iba, sana raw ay hindi lamang sa Malolos isagawa ang ganitong proyekto kung hindi maging sa buong lalawigan ng Bulacan dahil sigurado raw sila na hindi lamang ito sa lungsod nangyayari kung hindi sa iba’t ibang bayan ng kanilang lalawigan.

Larawan mula kay Joshua Nicdao

“Dapat lahat ng palengke ng bayan sa Bulacan gawin din ganyan. Pwede ring hindi lang sa Bulacan. Dapat sa buong Pilipinas,” pahayag ng isang Facebook user.

May ilan namang hindi natuwa at nakulangan sa aksiyon ng mga awtoridad. Sabi ng ibang netizens, hindi raw sapat na sinira lamang ang mga timbangan. Dapat daw ay hinuli ang mga tinderong lumabag o ‘di kaya naman ay hindi na pinayagan pang makapagtinda dahil uulit at uulit din ang mga ito at bibili lang ng bagong timbangan.