Mga late gumising at matulog, mas matalino at alerto raw kaysa sa mga early risers at early sleepers




Larawan mula sa Pexels
  • Lumabas sa isang pag-aaral na mas matalino at alerto umano ang mga night owl at late risers kaysa sa mga early birds
  • Mas mabilis daw kasi mag-isip at mas mabilis ang reaction time ng mga night owl kaysa sa mga early birds
  • Ngunit paalala ng mga eksperto, mas mainam pa rin daw na matulog nang nasa tamang oras para sa mas malakas na katawan

Dahil sa lumalalang suliranin sa trapiko sa bansa, mas minamarapat ng maraming Pilipino na bumangon nang maaga para naman hindi mahuli sa kanilang patutunguhan. Sabi pa nga ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, umalis na lamang daw nang maaga para maaga ring makarating sa trabaho at eskwela.

Pero marami ang umalma sa pahayag na ito. Sabi ng ilan, mahirap bumangon nang maaga at bawasan pa ang oras ng pahinga. At ayon sa isang pag-aaral, ang maagang paggising daw ay mayroong hindi magandang epekto sa konsentrasyon at takbo ng pag-iisip ng tao.

Larawan mula sa Pexels

Ayon kasi sa pag-aaral na ginawa ng Psychologist na si Satoshi Kanazawa, lumabas daw na mas matalino ang mga late risers at night owls kaysa sa mga early birds at early sleepers. Sa kanyang research, 20,745 high school students at 52 middle schoolers ang inobserbahan ni Kanazawa.

Kinapanayam daw ang mga ito sa kanila mismong tahanan at pinasagutan ng isang intelligence test. Makaraan ang limang taon, muli niyang tinawagan ang 15,197 sa mga mag-aaral at ngayon naman ay inalam nito ang oras ng pagtulog ng mga bata.

Lumabas sa kanyang pag-aaral na ang mga may matataas na marka sa ginawang intelligence test ay iyong mga late matulog at bumangon. Saklaw daw ng test ay ang mga tanong tungkol sa edukasyon, relihiyon, at kasaysayan ng kultura at tradisyon.

Sinegunduhan naman ang pag-aaral na ito ng University of Liege sa Belgium. Gumawa rin ang mga mananaliksik ng pag-aaral sa 15 night owls at 16 early birds. Sinukat ang aktibidad ng utak ng mga mag-aaral isang oras at kalahati pagkatapos bumangon, at 10 at kalahating oras pagkabangon.

Larawan mula sa Pexels

Sa pagsukat sa kayang gawin ng isip halos dalawang oras matapos bumangon, lumabas na halos pantay ang pagiging aktibo ng mga night owls at early birds. Ngunit nang sukatin na ang kanilang aktibidad 10 oras ang nakalilipas, mas lumabas na mas alerto pa rin at gising ang mga night owls kaysa sa mga maagang gumising. Mas mabilis din umano ang reaction time ng mga late magising kaysa sa mga natutulog at bumabangon nang maaga.

Gayunman, paalala ng mga eksperto, dapat pa ring sundin ang wastong oras ng pagtulog at iwasan pa rin ang pagpupuyat kung maaari. Mayroon kasing hindi magandang epekto sa immune system ang pagpupuyat at maaaring makahina ng resistensya kahit na mas aktibo ang utak.