Mag-inang champion! Anak ni Kara David, gold medalist sa isang skating competition sa bansa




Larawan mula sa Instagram account ni Kara David
  • Champion skater ang nag-iisang anak ng Kapuso journalist na si Kara David
  • Nanalo si Julia ng gold medal sa isang national ice-skating competition
  • Maliban dito, game na game din si Julia sa mga adventure ng ina bilang bonding nila

Isa sa mga ipinagmamalaking mamamahayag at dokumentarista ng bansa si Kara David. Kinikilala ang kanyang husay sa larangan ng broadcast journalism, hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi maging sa ibang bansa na rin. Patunay nito ang pagkamit niya ng pamosong George Peabody Award para sa kanyang I-Witness Documentary na ‘Ambulansyang de Paa,” at ang nominasyon sa International Emmy Awards ng kanyang dokyu na ‘Alkansiya.’

Ang pagiging mahusay ni Kara ay hindi maitatangging naipasa niya sa kanyang anak. Proud na ibinahagi ni Kara sa kanyang Instagram account ang pagkapanalo ng kanyang anak na si Julia sa isang national ice-skating competition.

Larawan mula sa Instagram account ni Kara David

“Gold medal for her category at Skate Philippines Ice Skating Competition (clapping hands emoji) Bravo anak,” pahayag ni Kara sa kanyang Instagram account kasama ang larawan nilang mag-ina. Makikita ring suot ni Julia ang kanyang gold medal habang katabi ang ina.

Hindi rin nakalimutan ni Kara na kuhanan ng video ang champion performance ng anak. Ginanap ang kompetisyon noong Oktubre 19 sa SM Mall of Asia Ice Skating Rink. Labing-walong taon na si Julia ngayon na emosyonal pang binati ni Kara sa isang Instagram post din Disyembre ng nakaraang taon.

Nakatanggap naman ng pagbati si Julia mula sa mga kasamahan ng ina sa GMA News and Public Affairs na sina Nelson Canlas, Rida Reyes, at ang beauty queen host na si Miriam Quiambao.

Bata pa lamang talaga si Julia ay mahilig na ito sa ice-skating. ‘Ice Princess’ ang tawag ni Kara sa anak. Madalas din siyang mag-upload ng larawan ni Julia habang nasa loob ng ice-skating rink. May collage pa nga siya ng unang pagtungtong ni Julia noong 2007 kung saan inaalalayan pa siya ng ina, at ngayong isang mahusay na siyang ice skater.

Larawan mula sa Instagram account ni Kara David

Tulad ng ina, mahilig din sa adventure si Julia. Makikita sa Instagram account ni Kara na kasa-kasama niya sa kanyang mga activity ang unica hija niya bilang bonding nila. Hilig ni Kara na sumali sa mga fun run na kalaunan ay nilalahukan na rin ni Julia.

Nang minsan naman silang magpunta sa Japan, sinubukan din nila ang mag-bungy jump. Pagbibida pa ni Kara, cool na cool lamang daw ang kanyang dalaga sa pagtalon; isang patunay daw na mas malakas ang loob nito kaysa sa kanya. Hindi lamang sa isports nagpapamalas ng husay si Julia. Mahusay din itong tumugtog ng flute.