Kering-keri: Isang babaeng kargador, agaw-pansin dahil sa kanyang mala-artistang ganda




Larawan mula sa isang YouTube video
  • Trending ang isang kargador na mayroong pang-artistang looks
  • Mula siya sa Hong Kong at sampung taon nang nagbubuhat ng mga produkto
  • Malaki ang kita niya rito at umaabot sa mahigit P100,000

Kapag may angking ganda ng mukha at hubog ng katawan, kadalasang sinasabing maaaring mag-artista ang isang babae upang kumita ng malaking pera. Maaari siyang maging isang aktres, modelo, endorser, o performer pa kung may talento sa pagsayaw o pag-awit.

Pero ang isang dilag sa Hong Kong, kahit na mayroong magandang hubog ng pangangatawan at may mala-artistang mukha, mas pinili niya ang trabahong karaniwang ginagawa ng mga brusko at maton — ang pagiging kargador.

Larawan mula sa isang YouTube video

Viral ngayon sa YouTube ang video ng panayam sa artistahing karagador sa Hong Kong na si Zhua Qian Pei. Marami ang humahanga sa kanya dahil sa unang tingin, hindi aakalain na nagtatrabaho siya bilang isang kargador dahil balingkinitan din ang katawan niya. Maganda rin ang kutis niya at kapansin-pansin ang looks niyang tila bida sa isang Asianovela.

Dahil marami ang natutuwa sa lakas ng 30-anyos na kargador na bumubuhat ng sako-sakong mga produkto mula sa pier, may mga nagpapa-selfie na rin daw sa kanya. Inaakala daw kasi ng iba na artista siya at mayroon lamang ginagawang show o role bilang isang kargador.

Isa pang rebelasyon ni Zhua Qian Pei na hindi siya baguhan sa trabahong pinasok. Sa katunayan, magsasampung taon na siya bilang kargador. Nananatili siya sa hanapbuhay na ito dahil hindi biro ang kita. Naglalaro sa HKD13,000 hanggang HKD14,000 o P86,000 hanggang P125,000. Iba-iba raw ang bayad depende sa bigat ng kanyang binubuhat.

Maliban sa kita, enjoy ang artistahing kargador dahil nagsisilbi na niyang workout ang pagbubuhat ng mga kargamento. Ito raw ang nagpapanatili sa kanyang malakas at aktibo at hindi na niya kailangan pa ng membership sa mga high-end na gym.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Nasubukan na rin umano ni Zhu Qian Pei ang iba’t ibang trabaho katulad ng pagiging office girl, staff sa mga hotel at restaurant, maging maintenance officer. Ngunit sa trabahong ito siya lubusang naging masaya at nagkaroon ng magandang kita.

Dahil sa ganda at lakas niya, tinugrian tuloy siyang “most beautiful porter” at Asian Lara Croft. Gayunman, aminado naman siya na kung minsan ay napapagod na rin siya sa kanyang trabaho. Kaya naman kapag naka-ipon daw, bibili na siya ng sarili niyang delivery truck.