Kaloka o kalokalike? Mimiyuuuh at Maris Racal, nag-transform bilang si Unique Salonga




Larawan mula sa Instagram account nina Mimiyuuuh at Maris Racal
  • Nag-post sa social media ng kanilang picture sina Maris Racal at Mimiyuuuh kung saan ginagaya nila si Unique Salonga
  • Si Mimiyuuuh ay nagsuot ng katulad ng damit ni Unique na pumatok sa mga netizens
  • Si Maris naman ay mula sa isang Halloween party at nang hubarin ang costume ay naging kamukha naman ni Unique

Nang maglabas ng mga awitin ang bandang IV of Spades, agad nilang nakuha ang damdamin ng mga Pilipino. Mabilis ang naging pagsikat ng banda at kaliwa’t kanan ang kanilang naging gigs at parangal. Gayunman, sa kabila ng kasikatan, nabalot ng kontorbersya ang banda nang umalis ang lead vocalist na si Unique Salonga.

Isang solo performer na ngayon si Unique. At tila pinangangatawanan ng former IV of Spades member ang kanyang pangalan dahil hindi lamang ang kanyang kakaibang boses ang hinahangaan ng mga fans, kung hindi maging ang kanyang 80s looks.

Larawan mula sa Instagram account ni Mimiyuuuh

Dahil sa ‘unique’ na porma ni Unique, marami na rin ang nag-i-impersonate sa kanya. At hindi lamang basta-basta mga impersonators ang gumagaya sa kanya, kung hindi mga sikat na personalidad. Naunang ipinamalas ng vlogger at social media influencer na si Mimiyuuuh ang kanyang mala-Unique Salonga na pormahan.

Ibinahagi ni Mimiyuuuh sa kanyang Instagram account ang isang larawan kung saan magkahawig sila ng porma ni Unique. Parehas kasi sila ng hairstyle na mayroong bangs at may mahabang buhok. Kaya naman nang mag-suot ng 80s outfit si Mimiyuuuh ay naging magkahawig talaga sila ni Unique.

“Unique Salongaaaaaa oooooohhhh yeaaaah,” caption ng vlogger sa kanyang IG post na mayroon nang halos 57,000 likes.

Ilang araw matapos ipakita ni Mimiyuuuh ang kanyang ‘inner Unique Salonga,’ isang celebrity na naman ang nanggaya kay Unique. Matapos ang Star Magic Halloween party, nag-post ng video ang Kapamilya artist na si Maris Racal na ginagaya si Unique.

Si Princess Sarah talaga ang ginagaya ni Maris sa party. Ngunit nang hubarin ang costume bilang ang munting prinsesa at nagsuot ng all-black na damit, naging kahawig ni Maris si Unique. Nag-post siya video kung saan tumutugtog ang kanta ni Unique na Sana nang biglang lumabas si Maris na para talagang si Unique.

Larawan mula sa Instagram account ni Maris Racal

“Gusto ko lang naman malaman kung Unique ang costume ko,” sabi ni Maris sa kanyang post na tatlong oras pa lamang na nasa social media ay mayroon nang halos 30,000 likes.

Napakomento rin ang iba pang Kapamilya artists sa post ni Maris katulad nina JM De Guzman at Darren Espanto na tuwang-tuwa sa kakaibang paandar ng Pinoy Big Brother Alumna.