Judy Ann Santos muntik nang lisanin ang Kapamilya Network noon




Public Domain Image
  • Muntik na palang lisanin ni Judy Ann Santos noon ang ABS–CBN Kapamilya Network
  • Pakiramdam niya raw kasi ay wala na siyang halaga sa kaniyang mother network noon
  • Sa ngayon ay nagbabalik–eksena si Juday sa pambatang teleserye na “Starla”

Inamin ng nagbabalik–teleserye at tinaguriang “Queen of Pinoy Soap Operas” na si Judy Ann Santos na muntik na niyang lisanin ang ABS–CBN Kapamilya Network at sunggaban ang offer sa kaniya ng mahigpit na kalaban nitong GMA Network.

Batay sa panayam ng Philippine Entertainment Portal o PEP kay Juday noong Marso 2019, ilang beses na nagnilay si Juday at tinanong ang sarili kung “Am I still really worth staying here or hanap na lang ako ng ibang bahay kasi parang hindi naman ako napapansin?” 

Si Juday ay nasa Kapamilya Network simula noong 1992 at bumida sa soap operang “Mara Clara” kasama si Gladys Reyes. Umere ito ng halos limang taon. Naging markado ang kanilang pagganap dito, na sinundan ng pito pang mga teleserye gaya ng Esperanza (1997-1999), Sa Puso Ko, Iingatan Ka (2001-2003), Basta’t Kasama Kita (2003), Krystala (2004-2005), Sa Piling Mo (2006), Ysabella (2007), Habang May Buhay (2010), at Huwag Ka Lang Mawawala (2013).

Public Domain Image

Inamin niyang nagkaroon siya ng kaunting “tampo” sa kaniyang mother network dahil tila naramdaman daw niyang hindi na siya napapansin, lalo pa’t marami nang mga sumusulpot na mga bagong mukha na magagaling din naman.

Gayunman, pinili pa rin ni Juday na manatili sa Kapamilya Network dahil sa loob ng halos 30 taon ay nagamay na niya ang kalakaran sa loob ng network. Masaya rin siya rito lalo’t kasundo naman niya ang mga big bosses tulad nina Cory Vidanes, Charo Santos–Concio, Gabby Lopez, at iba pa.

Naging bukas din ang mahusay na aktres na nakaramdam siya noon ng insecurities lalo na sa kaniyang pangangatawan, subalit sa estado ngayon ng buhay niya, hindi na raw niya iyon iniisip. Masaya raw siya sa kung ano ang hitsura niya ngayon, sa estado ng kaniyang karera at pamumuhay, at sa kaniyang asawa’t mga anak.

Public Domain Image

Sa kasalukuyan ay umeere na ang pambatang teleserye na “Starla” sa Primetime Bida, kasunod ng “FPJ’s Ang Probinsyano” kung saan naging “guest star” din siya. Sa kauna–unahang pagkakataon ay gaganap siya bilang isang bidang kontrabida sa katauhan ni Teresa, isang mahusay na abogada.

Source :

PEP, Wikipedia